CAMARINES SUR – NAGDEPLOY ang DOH ng Health Emergency Response Team (HERTs) sa mga evacuation center sa lalawigan ng Albay, Matnog Port at iba pang lugar na lubhang apektadong bagyong Kristine.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, nakahandang rumesponde ang tatlong DOH Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) sakaling kailanganin pa ng karagdagang emergency team.
Bihasa sa pagsasagawa ng serbisyong medikal ang Emergency Medical Assistance Team sa panahon ng sakuna tulad ng bagyo at lindol. Ang mga ito ay international medical teams na may 30 miyembro.
Kumpleto rin sa water, sanitation, and hygiene (WASH) facility ang grupo para sa outpatient care.
Binubuo ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (PEMAT Metro Manila), Jose B. Lingad Memorial General Hospital (PEMAT Luzon), at Eastern Visayas Medical Center (PEMAT Visayas) ang mga itinanghal na PEMAT ng WHO, na handa at sinanay na rumesponde sa mga domestic at international deployment.
Una nang sinabi ng kalihim na plano niyang ideploy ang mga ito sa Bicol, Northern at Central Luzon.
Ang isa nga sa naturang medical team ay una ng dineploy noong tumama ang malakas na lindol sa bansang Turkey ilang taon na ang nakakalipas.
EVELYN GARCIA