PINAALALAHANAN kahapon ng Department of Health (DOH) ang mga health institutions at local government units (LGUs) hinggil sa tamang pagtatapon ng mga protective equipment (PPEs) matapos ang pagkakadiskubre ng mga PPE, masks at gloves na nakakalat sa bahagi ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, hindi pa man nagkakaroon ng pandemic ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ay mayroon nang sinusunod na protocol para sa health care waste management.
Humingi naman si Vergeire ng tulong sa mga local government unit upang mamonitor ang tamang disposal ng mga basura lalo na yaong mga medical at hazardous wastes dahil posible aniyang magresulta ito sa higit pang pagkakahawahan ng virus.
“So we remind our health care providers and our local government units, humihingi po kami ng tulong para mamonitor natin ang pagtatapon natin ng basura,” panawagan pa ni Vergeire. “Pag kumalat yan sa daan, pag pinulot ito ng ating garbage collectors and they are not wearing their gloves…or even when they are wearing their gloves, pag na-miss out nila nakahawak sila sa kanilang mukha maaari silang mahawa,” babala pa ni Vergeire.
Aniya pa, dapat na sabihin ng mga residente sa mga garbage collectors kung PPEs ang kanilang itatapon para maiayos ito ng tama.
Nauna nang nag-isyu ng warning ang DOH kamakailan matapos na makitang nagkalat sa kalsada ang mga gamit na testing kits na nagmula sa isang diagnostic clinic. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.