DOH NAGSAGAWA NG PROFILING SA DENGVAXIA CASES

Eduardo Janairo

MAYNILA – NAGSASAGAWA na ang Department of Health (DOH) ng profiling ng Dengvaxia cases sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon ng Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, ­Quezon.

Ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo, layunin nito na matunton ang lokasyon ng mga Dengvaxia vaccine recipients at makapag-establisa ng post vaccination baseline database na magagamit nila sa monitoring ng health status ng mga pasyente.

Nabatid na mahigpit na mino-monitor ng regional office ang mga Dengvaxia reci­pient upang mapagkalooban ang mga ito ng kinakailangang medical support.

Nagtalaga rin sila ng parent leaders sa iba’t ibang lalawigan para magbigay ng ka­ragdagang suporta sa repor­ting at monitoring ng vaccinees sa kani-kanilang lugar.

Batay sa tala ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), may kabuuang 16,694 Adverse Event Following Dengvaxia Immunization (AEFDI) mula December 1, 2017 hanggang July 27, 2018 sa rehiyon.

Mayroon na ring naitala na 52 na namatay,  karamihan sa mga kaso o 8,553 ay pawang babae.

Ang Laguna ang may pinakamara­ming bilang ng naiulat na AEFDI cases na may 4,998 (30%) cases, kasunod ang Batangas na may 4,476 (27%), Cavite – 3,336 (20%), Quezon – 2,399 (14%) at Rizal – 1,486 (9%).

Nasa 1,405 AEFDI cases ang na-admit sa pagamutan at ang 321 (23%) sa mga ito ay na-diagnose na may Dengue fever.

Ayon kay Janairo, target nilang matapos ang profiling ng mga pasyente bago matapos ang taong ito.         ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.