PATULOY pa ring inaantabayanan ng Department of Health (DOH) ang resulta ng pagsusuri sa mga pagkaing inihain sa pagdiriwang ng ika-90 taong kaarawan ni dting Unang Ginang Imelda Marcos noong Hulyo 3 sa Pasig City.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay upang tuluyang matukoy kung alin sa mga pagkain ang posibleng naging dahilan ng pagkalason sa pagkain ng may 261 loyalista na nakiisa sa pagtitipon.
Ani Duque, wala pa silang maiulat hinggil sa posibleng dahilan ng food poisoning dahil hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsusuri sa mga pagkain.
“Hihintayin muna natin ang resulta ng magiging imbestigasyon. Mahirap naman kung maniwala tayo agad sa mga sabi-sabi lamang,” anang kalihim, sa panayam sa radyo.
Nauna rito, 261 sa tinatayang aabot sa 2,500 na bisita ng dating Unang Ginang sa kanyang kaarawan ang hinihinalang nabiktima ng food poisoning, kaya’t kinailangang isugod ang mga ito sa iba’t ibang pagamutan.
Ayon sa mga biktima, nagsimula silang makaramdam ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagtatae matapos na makakain ng packed lunch na adobong manok na may malasadong itlog, kanin at tubig.
Una naman nang sinabi ni Duque na posibleng ang malasadong itlog ang naging dahilan ng food poisoning, ngunit kinakailangan pa muna itong makumpirma sa pagsusuri.
Aniya pa, “Malinaw na banta po sa kalusugan kapag may basag o lamat ang shell ng isang itlog. Posible pong pumasok ang iba’t ibang mikrobyo. Makatutulong po ang sapat na pagluluto sa isang ilog.”
Binigyang-diin pa ng kalihim na pagdating sa ating kalusugan ay dapat na triple ang ating pag-iingat dahil ang kayamanan ay kalusugan.
Una naman nang pinayuhan ni Duque ang mga loyalistang dumalo sa kaarawan ng dating Unang Ginang na kaagad na kumonsulta sa doktor kung makararamdam ng mga sintomas ng food poisoning. ANA ROSARIO HERNANDEZ