ANG Department of Health– Center for Health Development (DOH-CHD) CaLaBaRZon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya ng health worker na binawian ng buhay mula sa lumubog na passenger boat sa Binangonan, Rizal noong Huwebes, Hulyo 27, 2023.
Ang health worker ay isang midwife na nakatalaga sa Binangonan, Rizal. Bumiyahe ito upang gampanan ang tungkulin sakay ng bangka patawid ng Talim Island para sana sa kanyang 3:00 pm shift.
Ala-una ng hapon noong Huwebes, Hulyo 27, 2023 nang lumubog ang MBCA Princess Aya sa karagatang sakop ng Barangay Kalinawan, Binangonan, Rizal matapos hampasin ng malakas na hangin dulot ng masamang panahon.
Batay sa ulat, 40 pasahero ang nakaligtas, habang nasa 30 naman ang nasawi.
Alinsunod sa direktiba ni DOH Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, nagsagawa na ng data gathering at initial assessment sa casualties ang DOH CaLaBaRZon. Nakikipag ugnayan na rin ang kagawaran sa pangunguna nina Dr. Voltaire Guadalupe, Regional Disaster Risk Reduction Management in Health (DRRM-H) at Dr. Gerardo Mejorada, Rizal Provincial DOH Office Head, sa pamilya ng health worker na nasawi.
Ang DOH CaLaBaRZon sa pamumuno ni Dir. Ariel I Valencia, ay patuloy na nakikipag ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Binangonan para tulungan ang mga naulilang pamilya ng mga nasawi sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Nakatuon ang DOH sa pagpapaabot ng personal na pakikiramay sa naulilang pamilya at sa suportang kinakailangan nito hatid ng kalunos-lunos na pangyayari.
Nakahanda rin ang kagawaran na magkaloob ng Mental Health and Psychosocial Support at Medical Assistance for Indigent Program (MAIP) sa pamilyang naulila at maging sa iba pang biktima mula sa pangyayaring ito.