UMAAPELA ang Department of Health (DOH) sa mga dialysis patients na ihayag kung sila ay may nararanasang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) upang maiwasang mahawa ng karamdaman ang kanilang mga doktor.
Sa isang online forum, sinabi ni DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na ayaw na nilang maulit pa ang mga pangyayari noon na maraming doktor at iba pang health workers ang namatay dahil sa COVID-19, dahil sa ginawang paglilihim ng mga pasyente ng kanilang karamdaman.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire sa dialysis patients na kahit pa magpositibo sila sa virus ay patuloy pa rin naman silang isasailalim ng mga doktor sa kanilang regular treatment dahil alam na ng mga health worker ang kanilang mga dapat gawin sa ganitong pagkakataon.
“Huwag na po sana maulit iyong karanasan na iyon. Hindi po kailangan i-deny ang sintomas ng COVID-19 o kung may nararamdaman po sila because health workers know what to do,” ayon kay Vergeire.
“Hindi po porke’t meron na silang COVID-19 symptoms ay hindi na sila magda-dialysis. Ang gagawin lang po, ‘pag may sintomas [ng COVID-19], i-sa swab test kayo, and you will be isolated,” dagdag pa ni Vergeire.
Binigyang-diin pa ni Vergeire na ang dialysis ay isang life-saving procedure na ipagkakaloob sa mga pasyenteng nangangailangan nito sa lahat ng pagkakataon, kahit pa sila ay may COVID-19 o wala.
Paliwanag pa nito mayroon namang dialysis machines para sa mga COVID-19 patient gayundin para sa mga non-COVID-19 patients, kaya’t hindi kailangan ng mga pasyente na itago ang kanilang sintomas ng COVID-19 para sila ay makapag-dialysis.
“Magkakaroon po kayo ng serbisyong ito kahit kayo po ang may COVID-19 symptoms,” dagdag pa ni Vergeire. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.