NAGPAHAYAG ng suporta ang Department of Health (DOH) sa desisyon ni Pang. Rodrigo Duterte na panatilihin ang isang metrong physical distancing policy sa loob ng mga mass public transport vehicles (PUV).
Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang naturang protocol ay base sa “minimum health standards.”
Ipinaliwanag ni Vergeire na sa pagsusuot ng mask ay mayroong 67% protection laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kapag nagsuot pa aniya ng face shield, madadagdagan pa ng proteksiyon ngunit kapag sinamahan pa ito ng physical distancing ay nadadagdagan pa ang proteksiyon ng isang indibidwal ng hanggang 99 porsiyento.
Aniya, hindi maaaring paghiwa-hiwalayin ang naturang mga minimum health standards dahil kailangang magkakasama ang lahat ng mga ito.
“Kapag ikaw ay nagsuot ng mask, you can have about 67-percent protection from being infected. Kapag nagsuot ka ng face shield nadadagdagan pa ng porsyento para ikaw ay maprotektahan. Kapag sinamahan mo pa ng physical distancing itong dalawang minimum health standards, tumataas hanggang 99 percent ang proteksyon mo sa virus na ito,” ayon kay Vergeire sa isang virtual briefing.
“Ito po ang amin pong hanggang ngayon ay sinasabi sa mga mamamayan, we comply with minimum health standards pero hindi puwedeng paisa-isa, kailangan magkakasama lahat ‘yan,” aniya.
Nauna rito, inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananatili po ang one-meter distancing sa pampublikong transportasyon, batay na rin sa desisyon ng Pang. Duterte.
“Sasamahan din ng pagsuot ng face mask at face shield… Bawal po ang salita, bawal ang pagkain sa mga pampublikong transportasyon,” aniya pa.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na tatalima sila sa direktiba ng presidente. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.