SA kabila nang unti-unting pagbaba ng naitatalang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hindi pa umano matiyak ng Department of Health (DOH) kung tuluyan na ngang na-flatten o napatag ang pandemic curve sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kinakailangan pa nilang magsagawa ng pag-aaral hinggil dito.
Aniya, sa ngayon ay tuloy-tuloy lang ang pagsasagawa nila ng mga istratehiya upang patuloy na bumaba ang mga naitatala nilang kaso ng sakit at hindi ma-overwhelm ang healthcare system ng bansa.
“Titingnan ho natin, basta itutuloy natin ang strategies na ginagawa natin ngayon but we cannot really confirm yet na ito na po talaga ang sinasabing flattening of the curve,” ani Vergeire, sa panayam ng teleradyo.
“Kailangan pa ho natin ng mas maraming pag-aaral. Kailangan po natin tingnan ang lahat ng factors. Though our numbers are going down these past days, kailangan din natin tingnan ano naman ang estado ng ating health system,” aniya pa.
Kasabay nito, iniulat rin naman ng opisyal na gumanda na ang lagay ng health care capacity ng Metro Manila, na mula sa dating critical level na 81% ay tinatayang nasa 66% na ito sa ngayon.
Ang mga pasyente naman na nakarekober mula sa karamdaman ay halos 73% na habang 97% naman ng mga aktibong kaso ng sakit ay itinuturing na mild at asymptomatic o hindi kakikitaan ng sintomas ng sakit.
Sa kabila naman nito, muling nagpaalala si Vergeire sa publiko na kahit na bumababa na ang mga naitatala nilang kaso ng sakit ay hindi pa rin dapat na maging kampante ang lahat.
Sa halip, dapat aniyang ipagpatuloy na maging maingat upang hindi dapuan ng karamdaman at tuluyan nang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Sa ikatlong sunud-sunod na araw, mas kakaunti na lamang ang mga kaso ng COVID-19 na naitatala ng DOH.
Nitong Lunes, Setyembre 8, umabot lamang sa 1,383 kaso ang nairekord, sanhi upang umakyat sa 238,727 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ang Metro Manila pa rin naman ang nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng sakit ngunit nasa 525 lamang ito, na higit na mababa kumpara sa libo-libong kaso na naitatala sa rehiyon nitong mga nakalipas na araw.
Gayunman, maaaring ang pagbaba ng mga kaso ay dahil sa 88 lamang sa 115 accredited laboratories ang nakapagsumite ng datos sa DOH.
Tumaas rnaman ang bilang ng mga pasyenteng nakarekober mula sa karamdaman, na umabot na sa halos 185,000 nitong Lunes, matapos na makapagtala pa ng 230 new recoveries.
Maging ang COVID-19 death toll ay tumaas din naman nang madagdagan ng 15 pang pasyenteng namatay dahil sa sakit, at umakyat na ngayon sa 3,890.
Nauna rito, pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang medical community matapos na magtagumpay sa pagpatag ng pandemic curve, gayundin ang publiko dahil sa pagsunod sa health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Nito namang Linggo, sinabi ni Dr. Guido David ng UP OCTA Research Team na nagsisimula na ang pagpatag ng pandemic curve sa Metro Manila at Calabarzon, dahil sa pagbaba ng virus reproduction rate nito na ngayon ay nasa 0.95 na lamang. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.