DOH PINAG-IINGAT ANG MGA BAKASYUNISTA

Regional Director Eduardo Janairo

PINAYUHAN ng isang opis­yal ng Department of Health (DOH) ang publiko na pag-ingatan ang kanilang kalusu­gan ngayong Holy Week, kung kailan inaasahang magsisiuwian ang mga mamamayan sa kanilang mga lalawigan at magbabakasyon sa magagandang lugar sa bansa.

Ang paalala ay ginawa ni Dr. Eduardo Janairo, regional director ng DOH- Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), matapos na makabilang ang kanilang rehiyon sa listahan ng Pagasa ng mga lugar na nakakapagtala ng mataas na heat index ngayong panahon ng tag-init sa bansa.

Ang mga lalawigan na sakop ng Calabarzon ay karaniwan nang dinarayo ng mga turista kapag Holy Week at pa­nahon ng summer vacation.

Ayon kay Janairo, kahit nasa mahabang bakasyon ay dapat na pagnilayan ng mga mamamayan kung ano ang mga bagay makabubuti at kapaki-pakinabang para sa kanilang kalusugan.

“Calabarzon holds some of the best tourist destinations in the country and it best to be equipped and organized when spending vacation with families and friends, especially those who plan to go to the beaches and going to parties or simply staying at home to enjoy the long weekend. We should always be prepared to safeguard our health and that of our family,” payo ni Janairo.

Ayon kay Janairo, panahon na ng tag-init kaya’t dapat na maging maingat ang lahat at maging mapagbantay upang hindi dapuan ng mga summer diseases gaya ng sore eyes, ubo, sipon, sakit sa balat, thyphoid, hepatitis, cholera, measles, diarrhea at rabies.

Partikular rin aniya na dapat na pag-ingatan ang heat stroke at sunburn, lalo na kung magbabakasyon at magsu-swimming sa dagat.

Pinaalalahanan din naman ni Janairo ang publiko na uminom ng maraming tubig dahil madaling ma-dehydrate ang mga mamamayan ngayong tag-init.

Nagpaalala rin naman si Janairo sa mga mamamayan na umiwas na magbilad sa araw mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon, kung kailan sobrang init ng panahon, at mas mapanganib na makaranas ng heat stroke at magkaroon ng sunburn.

Partikular na pinapayuhan naman ni Janairo ang mga senior citizen na manatili na lamang sa loob ng bahay kapag mainit ang panahon upang makaiwas sa pagkakaroon ng hypertension asthma, heat stroke, exhaustion, heat cramps, fainting at rashes.

Isa pa aniya sa mga dapat na pag-ingatan ng mga mamamayan kapag magbabakasyon ay ang pagkalunod.

“Drowning is also a concern during holidays, especially those who will be spending time in beaches and swimming pools. We should always accompany our children to avoid any water accident,” ani Janairo.

Kung magbabakasyon aniya ay hindi rin dapat na magbaon ng mga pagkain na madaling mapanis at tiyaking masustansiyang pagkain ang kakainin upang mapanatili ang malusog na katawan.

“Holy Week is a solemn time for us spend with our loved ones, we should do it in a hassle-free and disease-free way,” pagtatapos pa ni Janairo. ANA ROSARIO HERNANDEZ