DOH, QC LGU NAGPULONG DAHIL SA TUMATAAS NA KASO NG PERTUSSIS

NAKIPAGPULONG si Health Secretary Dr. Teodoro Herbosa at DOH Under Secretary Dr. Eric Tayag kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay ng pagtaas ng mga kaso ng Pertussis sa lungsod.

Kabilang sa natalakay rito ang kasalukuyang datos ng pertussis, gayundin ang mga hakbang na ikinakasa ng lokal na pamahalaan upang mapigil ang pagdami ng kaso ng sakit na ito.

Iniulat din ni Belmonte ang patuloy sa contact tracing, active case finding at health education sa pangunguna ng mga Disease Surveillance Officer ng QC Epidemiology and Surveillance Division.

Tiniyak naman ni Herbosa na maglalaan ang DOH ng bakuna kontra pertussis sa lungsod.

Mula nitong Abril 1, umabot na sa 27 ang aktibong kaso ng pertussis sa lungsod kung saan lima na rin ang nasawi.

Matatandaang nagdeklara ng Pertussis outbreak ang Quezon City nitong Marso 21 dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit at pagkasawi ng ilang sanggol.

Pinapayuhan ang lahat na pumunta kaagad sa pinakamalapit na Health Center o pagamutankung makita o maramdaman ang mga sintomas ng Pertussis. P ANTOLIN