DOH-QUEZON, FILARIA-FREE NA

MAGANDANG balita, dahil idineklara na ng Department of Health – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang lalawigan ng Quezon, na “Filaria Free!”

Ang good news ay inanunsiyo ni Regional Director Eduardo Janairo sa katatapos na Regional Awarding for National Filariasis Elimination Program (NFEP) sa Quezon Convention Center sa Lucena City, Quezon.

“The health sector has achieved another victory in its fight against Filariasis,” masayang anunsiyo ni Janairo.

Sa kabila naman nito, siniguro ni Janairo na hindi sila magpapabaya at titiyaking mapananatili ang naturang estado ng lalawigan.

“Still we have to ensure that this status will be maintained through regular conduct of orientation for Filariasis detection and management and transmission assessment survey,” anang regional director. “We will still be continuing selective treatment among individuals in areas that are found to be positive for microfilaria during the regular monitoring and surveillance.”

Nabatid na ang Que­zon Province, na may 39 munisipalidad at dalawang lungsod, ang ika-38 lalawigan sa bansa na nagkaroon ng “Filariasis Free” status.

Dahil dito, pagkakalooban ang lalawigan ng P1 milyong cash grant para magamit nila sa sustainability ng kanilang Filaria Free health program.

Ang Lymphatic Filariasis o kilala sa tawag na “Elephantiasis”, ay isang chronic parasitic infection na sanhi ng mala-sinulid na parasitic filarial worms  na namamahay sa nodes at mga ugat ng lymphatic system.

Naisasalin ito sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok, na naka­kagat din sa isang taong infected ng sakit.

Ang naturang worms ay nabubuhay ng may 10-taon at nagpo-produce ng milyong immature microfilariae na nagsi-circulate sa dugo.

Sa kasalukuyan, ang naturang sakit ay patuloy na itinuturing na public health concern.

Ilan sa sintomas ng elephantiasis ay pananakit at paglaki ng mga hita, binti at genital organs.

Nasosolusyunan ito sa pamamagitan ng mass drug administration sa mga residente ng diethylcarbamazine (DEC), isang tableta na dapat na inumin minsan sa isang taon, sa loob ng limang taon, upang tuluyang ma-eliminate ang sakit.

Pinaalalahanan naman ni Janairo ang mga residente na ituloy ang pag-iingat para makaiwas sa sakit, tulad nang paggamit ng kulambo sa pagtulog, pagsusuot ng long sleeves, pantalon at medyas, at pagpapahid ng insect repellents.

Makatutulong din ang paglalagay ng screen sa mga tahanan, at pagpapanati­ling malinis sa paligid upang walang lugar na pamamahayan ang mga lamok.   CT SARIGUMBA

Comments are closed.