DOH SA DRUGMAKERS: PRESYO NG GAMOT DAPAT RESONABLE

DOH-GAMOT

PLANO ng gobyerno na magtakda ng maximum retail price (MRP) sa ilang brand ng gamot para maging reso­nable at mabantayan ang ibang pharmaceutical firms na masyadong pinagkakakitaan ito, pahayag ng Department of Health (DOH) ka­makailan.

Ang ibang gamot ay ibinebenta ng mataas ang presyo sa Filipinas kompara sa mga mayayamang bansa tulad ng Australia at Canada, ayon kay DOH Spokesperson and Undersecretary Eric Domingo.

“Gusto lang naman naming maging patas. Hinahanapan naman po natin ng reasonable na presyo, hindi naman po iyong malulugi sila,” lahad niya sa isang panayam.

“Alam naman po nating negosyo iyan… pero kailangan iyong mark-up ay resonable at hindi naman po natin ibababa sa pinakamababang benta sa ibang bansa.”

Ire-release ng DOH sa loob ng isa o dalawang buwan ang kanilang rekomendasyon kung aling gamot ang lalagyan ng price cap sa ilalim ng  administrative order.

Ang  huling  maximum retail price ay ipinatupad para sa gamot sa hypertension, cancer, bacterial infections at diabetes noong 2009 sa ilalim ng  Arroyo administration.

Sa ilalim ng naturang draft AO, papatawan ng “maximum retail price” (MRP) ang mga gamot para maging abot-kaya ito sa masa.

“Pinipili natin dito ‘yung mga gamot na walang kakumpitensiya, walang generic equivalent. Tapos ‘yung price niya ‘pag ikinumpara, masyadong mataas kaysa sa ibang bansa… Kailangan maging accessible ang mga gamot,” ani Domingo.

Halimbawa, ang gamot kontra stroke na Triflusal, may kasalukuyang presyo na P49.50 sa merkado pero kapag naipatupad ang MRP, maaaring bumaba ito sa P34.83.

Ang Alteplase naman na ginagamit para ma-dissolve ang mga blood clot, may kasaluku­yang presyo na P50,000. Ngunit kapag may MRP, posibleng maging P26,543 na lang ito.

Ani Domingo, depende sa gamot ang magiging MRP nito.

“Wala namang fixed na percentage na hinahabol. Kundi hinahanap natin ‘yung reasonable level,” paliwanag niya.

Pero ang grupong Pharmaceutical and Healthcare Associa­tion of the Philippines (PHAP) ay tutol sa pagpataw ng MRP dahil maaaring mapasama raw ang reputasyon ng Filipinas sa drug manufacturers.

“If they feel that it will be priced in a way that will not be competitive, then the Phi­lippines will be one of the last countries to receive the medicines,” ani PHAP executive director Teodoro Padilla.

Pero giit ni Vic Dimagiba ng grupong Laban Konsyumer, suportado nila ang naturang panukala.

“Supported namin ito. Price rollback ito eh. It’s about time,” ani Dimagiba.

Comments are closed.