(DOH sa LGUs) SWAB TEST, CONTACT TRACING PALAKASIN

HINIKAYAT ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang COVID-19 testing at contact tracing dahil sa banta ng Omicron variant.

Gayunpaman,sinabi ng DOH na wala pa silang nakikitang senyales na nasa bansa pa ang Omicron sa ngayon.

“Wala naman ho tayong nakikitaan na mga lugar sa ating bansa ngayon na merong biglang pagtaas ng mga kaso o nagka-cluster ng infections because that can be one of the determinants kung saka-sakali na nakapasok na itong Omicron variant because if you see in the other countries, nagpuputukan po ang mga kaso nila,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa kasalukuyan,nasa 18,000 sample na ang isinailalim sa sequencing pero wala pa rito ang Omicron.

Gayundin,12 araw nang mas mababa sa 1,000 ang bagong kaso kontra COVID-19.

Ayon sa DOH, patuloy na gaganda ang sitwasyon basta’t walang Omicron variant sa bansa.

Mismong Philippine Genome Center na ang nagsabing hindi lang nade-detect ang variant kaya paalala nila na sumunod sa health protocols.

“Itong November, titingnan natin kung me­ron tayong ma-detect. But what is really, really very important is it is possible that it has entered our borders and we are on the lookout for that,” ani Philippine Genome Center executive director Dr. Cynthia Saloma.

Nabatid na 14 bansa na sa Europe at Africa ang sakop ng travel ban ng bansa at pinag-uusapan na ng pandemic task force ang pagpapalawig sa red list.

Nakikita rin ng World Health Organization (WHO) na posibleng mas marami ang tatamaan ng variant sa mga susunod na buwan kaysa ang Delta variant.

Nakikitaan naman ng DOH na sa Pebrero o Marso magkakaroon ng surge kaya’t payo sa mga ospital ay paghandaan ang “worst case scenario.”

“Cycle eh. Nag-umpisa tayo March-April last year. March-April, bumaba; tapos July-August. So, March, April, May, June, July, August — four months. Tapos September, October, November, December, January, February — two weeks sa February, sumipa na naman tayo; ‘yung second wave natin. Tapos February, March, April, May, June, July, August, September — September, nag-surge tayo; six months. So, makikita mo four to six months,” ani DOH Secretary Francisco Duque III.