ISANG hamon sa Department of Health (DOH) ang pagbabalik ng tiwala ng publiko sa kanilang programa sa pagbabakuna.
Sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na simula nang pumutok ang isyu ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia, ay bumaba na ang immunization coverage na naitala nila sa bansa ngayong 2018, na naging 40-porsiyento na lamang mula sa dating 70 porsiyento.
Hindi lamang naman ang anti-dengue vaccine ang naapektuhan ng isyu, kundi maging ang lahat ng bakuna at mga pampurga.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Domingo na gumagawa na sila ng mga pamamaraan upang maimulat ang publiko sa kahalagahan ng bakuna at mahikayat ang mga ito na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Aminado naman si Domingo na mas nahihirapan silang hikayatin ang mga taga-Metro Manila, na mas lantad sa mga balita hinggil sa Dengvaxia.
Siniguro ni Domingo na hindi sila susuko at higit pang magsusumikap sa kanilang kampanya.
“People in Metro Manila are very exposed to the news and they have very strong opinion with regards to that. That’s one big challenge for us. We just have to try harder,” ani Domingo, sa isang panayam.
Muli rin niyang hinikayat ang publiko na pabukanahan ang kanilang mga anak upang mailayo sa mga karamdaman, na maaari naman sanang maagapan at maiwasan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.