(DOH tuloy sa pananawagan) MAGING VIGILANT SA NCOV

Francisco Duque III

NANANAWAGAN ang Department of Health (DOH) sa publiko na patuloy na maging kalmado ngunit vigilante, kasunod na rin ng patuloy na banta na tuluyan nang makapasok sa bansa ang novel coronavirus (nCoV).

Kasabay nito, muli ring tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na  hanggang nitong Miyerkoles, Enero 29, ay wala pa rin silang naitatalang kumpirmadong kaso ng nCoV sa bansa.

Sa isang pulong balitaan, iniulat ni Duque na sa kasalukuyan, mula sa dating 27, ay mayroon na lamang silang 23 pasyente na itinuturing na persons under investigation (PUIs).

Ayon kay Duque, may apat na kaso na rin na na-discharged na ngunit under monitoring pa rin habang wala pa rin silang kumpirmadong kaso ng nCoV.

“Confirmed case is zero,” aniya.

Nabatid na ang mga pasyente ay mula sa National Capital Region, Western Visayas, Mimaropa, Davao, Central Visayas, Northern Min­danao, at Eastern Visayas at karamihan sa kanila ay mga dayuhan at may travel history sa Wuhan City sa China, na itinuturing na ground zero ng sakit.

“As of today, the number of PUIs is 23. The total PUIs discharged, four. We have 17 in NCR, one in the Western Visayas, one in Mimaropa, one in Eastern Visayas, two Central Visayas and one Davao,” ulat ni Duque.

Patuloy pa rin naman aniyang nakabinbin ang screening result ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa specimen ng 18 PUIs, habang nakabinbin pa rin ang Victorian Infectious Disease Reference Laboratory (VIDRL) confirmatory test results ng may anim na PUIs ngunit inaasahang darating na ito sa bansa ngayong araw.

Kaugnay nito, muli rin namang nananawagan si Duque sa publiko na maging kalmado lamang.

Gayunman, dapat  na maging vigilante ang lahat at magpraktis ng tamang hygiene, gaya nang palagiang paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng ilong at bibig kung babahing o uubo at umiwas sa matataong lugar, upang hindi dapuan ng naturang karamdaman.

“Please remain calm and vigilant,” ani Duque. “Always practice proper hygiene and always observe proper cough etiquette.”

Mas makabubuti rin aniya kung iiwas na magkaroon ng contact sa mga farm at wild animals, lutuing mabuti ang mga pagkain, at magkaroon ng healthy lifestyle upang labanan ang sakit.

Pagtiyak ni Duque sa publiko, patuloy na nagsusumikap ang pamahalaan upang hindi makapasok sa bansa ang nCoV at sinigurong handang-handa sila sakali mang magkaroon na ng kumpirmadong nCoV infection sa Filipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.