UMAAPELA ang Department of Health (DOH) sa publiko na tulungan ang mga health care worker sa bansa ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa DOH, mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay babad na sa trabaho, abala sa pagsiguro ng buhay at kaligtasan ng iba ang mga health care worker.
At ngayong Pasko, sinabi ng DOH na bilang regalo ay marapat na mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapagdiwang kasama ang kanilang pinaka-malalapit na kapamilya o close family bubble, mapa-pisikal man o online.
Ayon sa DOH, makakatulong ang lahat sa medical frontliners sa pamamagitan ng pagpapanatiling malusog at ligtas ng sarili.
Hindi rin dapat kalimutan ang pagsunod sa BIDA solution at minimum public health standards, sa sariling tahanan man o sa mga pampublikong lugar.
Batay sa pinakahuling COVID-19 Philippine Situationer ng DOH, sumampa na sa 13,325 ang health care workers sa bansa na tinamaan ng COVID-19.
Nasa 13,044 sa kanila ay gumaling na, pero mayroon pang 205 na aktibong kaso. Aabot naman sa 76 ang health care workers na binawian ng buhay dahil sa naturang sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.