MATAPOS umani ng takot at pagdududa sa mga magulang ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia, nanawagan si Department of Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na tigilan na ang negatibong pag-iisip sa bakuna.
Sinabi ng kalihim na sa loob ng mahabang panahon ay napatunayan ng publiko ang matagumpay na resulta ng pagpapabakuna dahil milyon-milyong buhay kada taon ang naisasalba, at nailalayo nito sa mga sakit.
Sa mga nakalipas na panahon din ay napatunayan na epektibo ang bakuna bilang kaagapay sa buhay ng mga Filipino, lalo na ‘yung mga mahihirap.
Tiniyak ni Duque na nananatili ang pamahalaan sa commitment nito na makamit ang sustainable development goals at mapababa ang kaso ng mga batang namamatay dahil sa sakit.
Maaari naman sanang maiwasan ang mga sakit dahil sa bakuna, kaya’t mahalaga ang kooperasyon at tiwala ng mga magulang upang magampanan ng pamahalaan ang kanilang tungkulin. CAMILLE BOLOS