IPINAGMALAKI ng Department of Health (DOH) na wala silang natalang namatay dahil sa paputok sa pagsalubong sa taong 2020, ngunit iniulat na mas tumaas ang mga fireworks-related injuries (FWRI) na kanilang naitala ngayong taon.
Ang ulat ay ginawa ng DOH sa pagtatapos ng isinagawang FWRI surveillance, mula Disyembre 21, 2019 hanggang Enero 6, 2020.
Ayon sa DOH, sa kabuuan ay 413 FWRI ang kanilang naitala sa mga nasabing petsa.
Mas mataas ang naturang kabuuang bilang ng FWRI ng 21% kumpara sa 341 kaso lamang na naitala sa pagsalubong ng Taong 2019, ngunit mas mababa naman ng 41% kumpara sa five-year average (2014-2018) na 703 kaso.
Kabilang sa naturang total FWRI ang 411 na nagtamo ng sugat dahil sa paputok, isa ang firework ingestion o nakalulon ng paputok at isa ang nabiktima ng stray bullet o ligaw na bala.
Karamihan ng mga kaso ay lalaki o 74% habang ang edad ng mga nabiktima ay mula 11 buwang sanggol hanggang 77 anyos.
Wala rin namang naitalang kaso ng tetanus dahil sa fireworks-related injuries.
“Injuries were observed to peak on December 26 and 27, then December 29 to January 1, and finally on January 5,” ani Health Secretary Francisco Duque III.
Anang kalihim, ang National Capital Region (NCR) at Regions VI at I naman ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga nasugatan sa paputok.
Iniulat din ni Duque na tumaas naman ang mga kaso ng nabiktima ng paputok sa Cagayan Valley region (138%), NCR (62%), Bicol region (56%), Calabarzon (43%), Region III (25%), at CAR.
“We are glad that no fireworks-related fatalities were reported this year. However, I continue to urge communities and local government units to further strengthen our campaign for safer and healthier ways to celebrate the holidays,” pagtatapos pa niya. ANA ROSARIO HERNANDEZ