DOJ NANINDIGAN SA PAGPAPAWALANG BISA SA AMNESTY NI TRILLANES

Justice Secretary Menardo Guevarra

NANINDIGAN  si Justice Secretary Menardo Guevarra, na tumatayong Officer-In-Charge (OIC) ng pamahalaan habang nasa labas ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi na kinakailangan ang pagsang-ayon ng Kongreso upang ipawalang-bisa ang amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Guevarra, bagamat sinasabi ng Konstitusyon na kailangang sang-ayunan ng Kongreso ang pagkakaloob ng amnestiya, wala naman itong bi­nabanggit hinggil sa kaso ng pagbawi o pagpapawalang-bisa nito.

“The matter of concurrence by the majority would pertain to the grant of amnesty. There is nothing in the Constitution that requires concurrence when the matter is one of revocation,” anang kalihim, sa panayam sa telebisyon.

Una nang sinabi nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros na kinakaila­ngang sang-ayunan muna ng Kongreso ang pagbawi sa isang ipinagkaloob na amnestiya.

Muli namang nilinaw ng Justice Secretary na hindi naman binabawi ang amnestiya ni Trillanes, at sa halip ay pinapawalang-bisa, na nangangahulugang walang naganap na amnestiya, simula pa lamang, kaya’t lahat ng kasong kinaharap dati ng senador ay maaaring buksang muli at ipagpatuloy.

“The amnesty given was void in the contemplation of law. So there is nothing to revoke. There is no need for concurrence by anyone. It’s not there to begin with,” ani Guevarra.

Matatandaang naglabas ng proklamasyon si Pangulong Duterte noong Agosto 31 na nagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Trillanes bunsod ng pagkabigo umano nitong pormal na maghain ng aplikasyon dito at umamin ng kanyang pagkakasala. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.