HINIHINGI na ng Department of Health (DOH) sa Bureau of Corrections (BuCor) ang kumpletong ulat hinggil sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga piitan kasunod na rin nang pagkamatay ng ilang high profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay inisyal na ulat pa lamang ang natanggap nila mula sa BuCor hinggil sa COVID-19 cases sa mga bilangguan at mga bilanggong namatay dahil sa naturang karamdaman kaya’t hiniling nila sa institusyon na isumite ang kumpletong ulat nito.
“Pero, ‘yung kabuuan ng datos, nakikipag-usap po tayo ngayon sa kanilang institution para po makuha natin ‘yung buong, complete data from them,” sinabi ni Vergeire, sa isang panayam sa radyo.
“Pagdating sa amin ay numero muna saka pa ho nabe-verify ‘yan kung ano po ang mga pangalan at kung ano ang identities,” aniya pa. “Sa ngayon po, hindi pa po namin nakukuha ‘yung kumpletong impormasyon.”
Nauna rito, iniulat ng BuCor na may 21 inmates na sila na namatay dahil sa COVID-19 sa NBP, matapos na pumutok ang ulat na binawian ng buhay dahil sa naturang karamdaman ang high-profile inmate na si Jaybee Sebastian at ang kanyang mga labi ay na-cremate na.
Matatandaang si Sebastian ay isa sa mga pangunahing testigo laban sa nakapiit na si Senador Leila de Lima hinggil sa kasong illegal na droga na kinakaharap nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.