DOJ, SOLGEN, TATALAKAYIN ANG KASONG IHAHAIN VS CHINA

INIHAYAG ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na plano nitong makipagpulong kay Solicitor General Menardo Guevarra sa susunod na linggo.

Ayon sa kalihim, tatalakayin nila ang posibleng mga kaso na ihahain ng Pilipinas laban sa China sa arbitral tribunal.

Ang kasong ito ay may kinalaman sa pagsirang ginawa ng ilang Chinese vessel sa mga coral na nasa West Philippine Sea.

Sinabi pa ni Remulla, malinaw na nilabag ng China ang environmental law dahil sa naturang insidente.

Tumanggi naman ang kalihim na magbigay komento sa ginawang pagtanggi ng China sa responsibilidad nito sa pagkasira ng mga nasabing corals sa WPS.

Una ng sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na ang alegasyon ng Pilipinas laban sa China ay walang matibay na basehan.

Nanawagan din ito sa gobyerno na tigilan na ang paggawa ng mga political drama sa pamamagitan ng paglikha ng mga kathang isip na paratang.
EVELYN GARCIA