SA layuning matutukan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral habang sila ay nasa kani-kanilang eskuwelahan, inihain ni House Assistant Minority Leader at AANGAT TAYO Partylist Rep. Harlin Neil Abayon III ang House Bill 7874 o ang ‘School Health and Safety Act of 2018.’
Ayon kay Abayon, na isa ring registered-nurse at miyembro ng House Committee on Public Order and Safety, pangunahing isinusulong ng kanyang panukalang batas ang pagkakaroon ng ‘School Health and Safety Office’ o SHSO sa public elementary, secondary at senior high schools at maging sa state universities and colleges (SUCs), kasama na ang public technical-vocational schools sa buong bansa.
Ang SHSO ay kinakailangang mayroong naka-duty na doktor, dentist, nurse, guidance counselors, psychologists, psychometricians, emergency medical technicians, security guards, utility workers at fire brigade.
Subalit kung ang isang public school, SUC at tech-voc institution ay mayroong hanggang 3,000 estudyante, iminumungkahi ng ‘nurse-solon’ na dalawa ang dapat italagang nurse sa SHSO at tatlo naman kung higit pa sa 3,000 ang bilang ng mga nag-aaral.
Sa kasalukuyan ay wala pa umanong 2,000 school nurses ang Department of Education (DepEd), na bukod sa hindi sapat para sa 27.7 million school children, na naitatalaga lamang sa mga city at provinces sa ilalim ng DepEd school division offices.
Sinabi nito na sa pamamagitan ng HB 7874, magiging responsibilidad din ng SHSO ang pagtutok sa school canteen, school nutrition program, immunization campaigns, campus security, at iba pang ‘non-teaching roles and functions.’
Samantala, sa hanay ng higher education, nabatid na mayroon namang panuntunan ang Commission on Higher Education (CHED) para sa pagkakaloob ng “health, guidance/ counseling, and other services” para sa mga estudyante.
Subalit nadiskubre ng Philippine Institute of Development Studies na noong 2013 sa panig ng private colleges and universities, ay 28 porsiyento lamang ang mayroong naka-duty na doktor, dentist, at nurse; 18 porsiyento naman ang mayroon lamang nurse on duty at 10 porsiyento ang may doktor at dentist.
Dagdag ni Abayon, kakaunting SUCs lamang ang nakakapagbigay ng University Health Service gaya ng University of the Philippines (UP), kung saan ang mga tinaguriang ‘iskolar ng bayan’ ay maaaring makapagpa-medical check up at diagnostic testing.
Karamihan naman sa SUCs ay galing sa security at manpower agencies ang kanilang security guard at maintenance/utility workers kung saan ang iba ay nabibigyan ng ‘contractual o casual items” sa ilalim ng school organizational structure. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.