DOLE-5, NAGDAOS NG “WAGE HEARING” PARA SA MGA MANGGAGAWA SA PRIBADONG SEKTOR

LEGAZPI CITY – Pinasimulan na ng Bicol regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE-5) ang ‘public hearing’ o pagdinig at pag-aaral sa mga usaping kaugnay sa panukalang pagbabago ng taripa sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor dito, kasama na ang mga kasambahay.

Ang inisyatibo ng DOLE-5 ay bilang tugon sa panukala ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na lumiham kamakailan at hiniling kay DOLE-5 Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita ang ganong pagkilos.

Sa kanyang liham, ipinahayag ni Salceda ang malakas niyang suporta sa mga kahilingan mula sa pribadong sektor na itaas naman ang arawang upa sa kanila, kasunod ng matindi at patuloy na pagtaas ng mga pakain at iba pang mga bilihin na lalong pinalala pa ng pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa kasalukuyang krisis sa Ukraine, at epekto ng Covid-19 pandemic.

“Ipinahahayag ko lamang ang malakas kong pagsang-ayon at suporta sa mga kahilingan mula sa maraming sektor para sa makatwirang pagtaas ng arawang pasahod dito sa Kabikulan,” sabi ni Salceda sa kanyang liham. “Ang pahayag kong ito ay bilang Kinatawan ng Albay sa Kongreso, at bilang co-chairman ng ‘Economic Stimulus and Recovery Cluster of the House Defeat Covid-19 Committee,” dagdag niya.

Batay sa DOLE Wage Order 20, na nagkabisa noong 2020, P335 dapat ang ‘minimum’ na arawang pasahod sa Bikol. Pinuna ni Salceda na dahil nga sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin — 2.6 porsiyento noong 2020, 4.5% noong 2021, at ang inaasahang pagsipa nito ng 6% nitong nakaraang Marso, “sadyang kailangang pag-aralan at rebisahin ng DOLE ang huling ‘wage order’ nito.

“Ipinahahayag ko rin ang kahilingangan ko na gawing bahagi ng mga usaping dapat talakayin at seryosong pag-aralan ng DOLE Wage Board ang mga kahilingan sa pagbabago sa taripa ng arawang upa sa mga pribadong manggagawa, dahil kailangan din ng mga manggagawang Bikolano ang mabuhay sa sinasahod nila,” dagdag niya.

Hiniling din ni Salceda kay Director Angara-Campita na bigyan siya ng kopya ng mga petisyon at kahilingang nakahain sa DOLE-5 Wage Board upang makatulong din siya at ang grupo niyasa Kamara sa pag-aaral ng mga ito.

Kasunod ng liham ni Salceda, nagdaos ng public hearing ang DOLE-5 na ginanap sa Avenue Plaza Hotel sa Naga City nitong nakaraang Martes, Abril 26. Dumalo sa nagurang hearing ang mga kinatawan ng mga manggagawa at iba pang pribadong sektor.