TARGET ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mag-hire ng mga karagdagang labor inspectors upang epektibong maipatupad ang labor law compliance sa mga business establishment sa buong bansa.
Sa isang panayam sa radyo, idinaing ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kakulangan ng DOLE sa tao pagdating sa bilang ng labor law compliance officers o inspectors.
“Kulang na kulang… All throughout the country we have 900,000 plus business establishments pero alam mo ba kung ilan ang inspectors namin? Wala pang 900,” wika ni Bello.
Nilinaw niya na ang pangangailangan na magdagdag ng labor inspectors ay hindi lamang para i-monitor ang labor law compli-ance ng mga foreign worker sa gitna ng pagdagsa ng Chinese nationals sa bansa.
Tiniyak din ni Bello na walang foreign worker ang pagkakalooban ng alien employment permit kung ang nature ng trabaho na kanyang inaaplayan ay maaaring gampanan ng isang Filipino.
“Walang dayuhan na makakapagtrabaho sa Filipinas kung wala silang alien employment permit. Kung ‘yung trabaho na gusto nilang dalhin dito ay kayang gawin ng Filipino ay hindi namin bibigyan ng permit ‘yan, sasabihan namin na hindi puwede, sorry na lang,” aniya.
Ayon kay Bello, nangako sa kanya si Finance Secretary Carlos Dominguez III na tutulungan siya sa kanyang kahilingan na mag-hire ng mga karagdagang labor inspectors.
Comments are closed.