BINALAAN kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang publiko laban sa mga bogus na trabahong iniaalok sa ibayong dagat, kasunod ng ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na ilang tiwaling indibiduwal ang nanghihikayat ng mga Pinoy upang magtrabaho sa Yukon territory sa Canada.
Nabatid na gumagamit ang mga scammer ng pangalan ng website ng lehitimong Yukon HR practitioner upang manloko ng mga Pinoy, na hinihingian nila ng USD440 kapalit ng pekeng trabaho.
Sinasamantala umano ng mga ito ang anunsiyo ng departamento noong Setyembre hinggil sa employment opportunities sa iba’t ibang industriya sa Yukon.
Paglilinaw naman ng labor chief, ang naturang bilateral labor agreement ay hindi pa nalalagdaan ng Filipinas at ng Yukon, kaya wala pang trabaho para sa mga Pinoy na iniaalok doon.
“Based on the report by our POLO Vancouver, the Yukon government is still studying the memorandum of understanding, and DOLE will provide an update on this undertaking,” ani Bello.
Matatandaang noong Agosto 2019, lumagda sina Bello at Minister Ranj Pillai ng Joint Communique para sa recruitment ng Filipino workers sa Yukon.
Matapos ang paglagda, isang proposed MOU ang ipinadala sa Yukon, na ang layunin ang mag-establisa ng sistema para sa recruitment process sa deployment ng mga Pinoy sa naturang teritoryo, sa pamamagitan ng Nominee Program sa ilalim ng isang government to government arrangement.
“This government to government agreement shall validate the existence of guaranteed employment offers. Hence, we are warning the public to be very cautious of this scam that seemingly capitalizes on the still-to-be finalized labor agreement between the Philippines and Yukon,” pagtiyak naman ni Bello.
Kasabay nito, pinayuhan naman ni Bello ang publiko na ugaliing i-validate muna ang authenticity ng anumang job offers sa POEA sa pamamagitan ng kanilang website na poea.gov.ph.
Hinikayat din niya ang mga jobseeker na kaagad na isumbong sa POEA ang anumang nalalaman nilang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang email address na [email protected]. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.