NATUKLASAN ng Department of Labor and Employment ang bagong modus ng pagwi-withdraw ng escrow deposit ng recruitment agency gamit ang pekeng “certificate of no pending appealed case”.
Bunsod nito ay agad na naglabas ng babala sa publiko si Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III.
“Ipinaaalam namin sa publiko na may lumalabas na pekeng “Certification of No Pending Appealed POEA case” na diumanoý inisyu ng Department of Labor and Employment-Legal Service at ginagamit ng mga hindi kilalang indibidwal upang ma-withdraw ang escrow deposit ng ilang recruitment agency. Pinapayuhan namin ang publiko na maging mapagmatyag at maging maingat sa pakikipag-transaksiyon sa mga taong sangkot sa naiulat na pekeng gawain,” ani Bello.
Nakatanggap ang DOLE ng magkahiwalay na sulat sa may dalawang overseas recruitment agency na nagtatanong sa awtentisidad ng certification na umano’y inisyu ng DOLE Legal Service at ginagamit para ma-withdraw ang escrow deposit.
Sa ginawang masusing imbestigasyon, natuklasan na ang nasabing certification ay peke at hindi inisyu ng DOLE Legal Service at ang diumanong nakalagda sa dokumento ay hindi na konektado sa labor department.
Inaatas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagkakaroon ng recruitment agency ng escrow account para sa posibleng babayaran sa overseas contract worker bunga ng paglabag sa kontarata sa empleo.
Ang paglalabas ng escrow na nakadeposito sa POEA-accredited bank ay maaaring iatas lamang ng POEA o ng National Labor Relations Commission (NLRC).
Isa sa kinakailangang dokumento ay certificate na inisyu ng DOLE na “no pending POEA case on appeal” para ma-withdraw ang escrow deposit ng recruitment agency.
Hinihikayat ni Bello ang publiko na tumawag sa 527-3000 local 610 kung sila ay naging biktima ng pekeng certificate o kung may nalalaman sila na makapagtuturo sa mga taong sangkot sa pamemeke ng dokumento. PAUL ROLDAN
Comments are closed.