TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na handang-handa sila sa posibilidad na pag-repatriate o pagpapauwi sa Filipinas ng overseas Filipino workers (OFWs) na nasa South Korea kung kakailanganin.
Paglilinaw naman ni Secretary Silvestre Bello III, hanggang sa ngayon ay wala pa namang mga Pinoy ang humihiling ng repatriation.
Iniulat ng kalihim ang magandang balita na wala pang OFW sa South Korea na apektado o tinamaan ng COVID-19.
“Ready ang DOLE sa possible repatriation ng mga Pinoy workers sa Sokor,” ani Bello.
“Wala pang plans to repatriate Pinoys sa Sokor. Wala pa namang nag-request ng repatriation. Fortunately, not one of our OFWs are affected by COVID-19,” aniya pa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Bello na patuloy ang isinasagawang monitoring ng DOLE sa sitwasyon sa SoKor lalo’t tumataas ang “rate of contamination” o bilang ng mga kaso ng sakit.
Pinapayuhan naman ng kalihim ang mga OFW sa South Korea na makipag-ugnayan sa pamahalaan o embahada sa naturang bansa, hangga’t may banta ng COVID-19, at sumunod sa mga paalala ng lokal na pamahalaan sa kanilang kinaroroonan laban sa naturang sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.