DOLE NAGPAALALA SA MGA KOMPANYA TUNGKOL SA HOLIDAY PAY

MULING nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kompanya o mga employer hinggil sa mga tamang pagpapasahod sa kanilang empleyadong pumasok nitong Mayo 1 o Labor Day na regular holiday.

Sa inilabas na Labor Advisory No. 11 series of 2022 ng DOLE na ang sinumang empleyado na pumasok sa Mayo 1 ay mababayaran ng 200 percent ng sahod sa unang walong oras.

Sakaling hindi pumasok ang isang empleyado ay mababayaran pa rin ito ng kaniyang 100% ng kaniyang sahod ng nasabing araw.

Habang ang mga empleyado na nagtrabaho ng mahigit walong oras o overtime ay mababayaran ng 30% ng kanilang hourly rate.

Sakaling nataon ang overtime sa regular holiday at sabay ng rest day ng isang empleyado ay mababayaran ito ng dagdag na 30 percent sa bawat oras na pagtatrabaho.

Mahigpit naman na binilinan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na dapat mahigpit na sundin ng mga employer ang inilabas nilang labor advisory.

Kaugnay sa holiday pay, idineklara ng Malacañang bilang national holiday ang Mayo 3, 2022 bilang obserbasyon ng pagtatapos ng Eid’l Fitr.

Kinumpirma ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea matapos na magkaroon ng bahagyang kalituhan.

Unang inanunsiyo kasi ng Grand Mufti of the Bangsamoro Darul Ifta na magsisimula sa Mayo 2 ang Eid’l Fitr.

Naidedeklara ito ng mga Muslim leaders sa pamamagitan ng tradisyunal na moon-sighting ceremony sa ika-29 araw ng Ramadan.

Ang pagkakita ng bagong buwan ay siyang nangangahulugan na ang susunod na araw ay siyang Eid.
VERLIN RUIZ