DOLE NAGPALABAS NG GUIDELINES SA HOLIDAY PAY

DOLE

NAGLABAS ng guidelines ang  Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga employer at mga manggagawa  para sa  karagdagang bayad  ng  mga empleyadong papasok sa mga holiday ngayong Abril, partikular ngayong Semana Santa.

Ayon sa DOLE, kapag hindi pumasok ang isang empleyado sa isang regular holiday, babayaran siya nang naayon sa kaniyang araw-araw na sahod habang doble naman  ang bayad sa mga mangagawa  na papasok sa regular holiday.

Kapag nag-overtime ang  nasabing emple­yado mula Abril 18 hanggang 19, sa Huwebes at Biyernes Santo, may 30 porsiyentong dagdag sa kaniyang hourly rate.

Makatatanggap naman ng karagdagang 200 porsiyento ng kanyang basic pay at Cost of Living Allowance (COLA) kasabay ng 30 porsiyento ng daily rate na 200 porsiyento at basic pay ang mga empleyadong papasok tuwing regular holiday kahit araw ito ng kanyang  pahinga o day off.

Kapag pumasok naman sa Sabado de Gloria ang isang empleyado ay makatatanggap siya ng sahod na mas mataas ng 30 porsiyento sa kaniyang daily rate sa unang walong oras.

Kapag nag-overtime  ang manggagawa sa isang special non-working holiday, makatatanggap siya ng 30 porsiyento dagdag sa kada oras na itinrabaho niya sa araw na iyon.

Ipapatupad ang “no work, no pay” policy sa mga hindi magtatrabaho sa Sabado de Gloria, maliban na lang kung may kasunduan ang kompanya na dapat bayaran ang mga nabanggit na empleyado tuwing special non-working holiday.

May dagdag na 50 porsiyento sa pang-araw-araw na sahod kung magtatrabaho sa special holiday ang isang empleyado kahit na rest day niya sa araw na iyon.      VERLIN RUIZ