(DOLE, OWWA hinimok) EMERGENCY HOTLINE SA MGA OFW SA LIBYA

EMERGENCY HOTLINE

HABANG libo-libong migrant workers ang hindi makalabas ng mga gusali at nasa pagitan ng crossfire ng mga puwersang militar, hinimok ni Senadora Nancy Binay ang mga ahensiya ng pamahalaan na mag-activate ng emergency hotline na magagamit ng mga pamilya ng mga OFW para matawagan at malaman kung ligtas ang mga kamag-anak nila sa Libya.

Sinabi ni Binay na  kailangan ng inter-agency team na binubuo ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration, atbp., para malaman ng mga pamilya ng OFW ang tunay na sitwasyon at mga plano para sa pagpapauwi sa mga stranded sa Libya.

“Sa ganitong sitwasyon, napakalaking bagay ang komunikasyon para makontak ang ating mga kababayan sa Libya, at para na rin sa peace of mind ng kanilang mga pamilya na hindi alam kung ano ang kalagayan nila doon,” giit ng senadora.

Aniya, maaaring magtulungan ang pamahalaan at mga recruitment agency ng mga OFW sa Libya ang pagtayo ng mga hotline at social media channels para sa mas madaling komunikasyon.

“DFA can setup an online info-center which will consolidate all Libya-related information and have it regularly updated. ‘Yung agencies na nakapag-deploy ng OFWs sa Libya ay kailangan tumulong din sa pagbigay ng listahan sa DFA, at pag-contact ng kanilang mga migran­teng nagtatrabaho sa iba’t ibang facilities doon habang ‘di pa pinuputol ang komunikasyon,” dagdag pa ni Binay.

Gusto rin umanong malaman ng senador kung nagbigay ba ang mga employment agency ng insurance coverage para sa mga empleyado nila. Responsibilad din daw nila na bigyan ang DFA ng mga mahalagang impormasyon tungkol sa mga OFW na nai-deploy nila.

Nanawagan din si Binay sa mga manpower agency na magplano ng mga contingency, kasama na ang posibleng evacuation ng mga OFW lalo pa’t nagsara ang Mitiga Airport. Nakiusap din siya sa mga pamilya ng mga undocumented OFW na ipaalam sa DFA ang sitwasyon ng mga ka-anak nila sa Libya.

“Documented man o ‘di-rehistrado, tulungan din po natin ang ating mga kababayan sa Libya, at isama natin sila sa contingency plans,” dagdag pa nito. VICKY CERVALES

Comments are closed.