DOLE PINALAKAS ANG KABUHAYAN PROGRAM

PINANGUNAHAN ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang awarding ceremony ng 2024 Kabuhayan Awards — isang taunang pagkilala sa outstanding beneficiaries, implementers, at partners ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program noong Nobyembre 22 sa Cebu City.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Labor chief na sa pagtupad sa commitment ng pamahalaan na tulungang bigyang kapangyarihan ang Filipino workforce, ang labor department ay patuloy sa pagpapaigting sa mga pagsisikap nito upang matiyak ang paghahatid ng komprehensibo, pangmatagalan, at angkop na mga programa, lalo na para sa disadvantaged workers tulad ng pagtataas sa allowable amount na maaaring i-avail ng livelihood program beneficiaries sa ilalim ng DILP.

“Sa ating DOLE Integrated Livelihood Program, itinaas na po natin ang halaga ng tulong na maaaring maipagkaloob sa mga benepisyaryo. Mula sa halagang P30K, ang mga indibidwal na benepisyaryo ay maaari nang makakuha ng tulong na nagkakahalaga ng P50K, habang ang mga pangkat o grupo ng benepisyaryo naman ay maaaring makakakuha ng tulong sa halagang aabot sa P3M, depende sa pangangailangan ng proyekto,” sabi ni Secretary Laguesma.

Upang masiguro ang ‘relevance at effectiveness’, ang DILP at TUPAD ay sasailalim din sa impact assessment bilang bahagi ng United Nations Development Programme (UNDP) at National Economic Development Authority (NEDA) joint project sa pagpapalakas ng evaluation para sa evidence-based development projects.

“Ang magiging resulta ng pagsusuri ay makakatulong sa pagbabalangkas ng mga polisiya upang mas mapagbuti pa ang pagpapatupad at pamamahala ng DILP at TUPAD program,” ayon sa kalihim.

Nakaangkla sa temang “Kabuhayang Husto at Ingklusibo, Kaagapay sa Pag-asenso ng Makabagong Pilipino,” ang awarding ceremony ngayong taon, sa pangunguna ng DOLE Bureau of Workers with Special Concerns, ay sumasalamin sa patuloy na pagsusulong sa angkop, mabilis, at komprehensibong livelihood assistance tungo sa pagpapabuti sa buhay ng bawat Filipino worker.

Pinarangalan bilang outstanding individual DILP beneficiaries sina Glenda B. Castillanes ng Cordillera Administrative Region para sa kanyang Handloom Weaving Project (champion); Resty M. Guerrero mula Zamboanga Peninsula para sa kanyang parlor business (1st runner up); at Maribel C. Acosta ng Cagayan Valley Region para sa kanyang Glass and Aluminum Installation venture (2nd runner up). Tumanggap sila ng plaques at cash prizes na P50K, P40K, at P30K, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Kinilala naman bilang best DOLE-assisted livelihood projects sa ilalim ng group category ang Sta. Marcela Electrician Association ng Cordillera Administrative Region para sa kanilang electrical services and supplies project (champion); Dipolog PWD Hilot Wellness Massage Association ng Zamboanga Peninsula para sa kanilang Hilot Wellness Massage venture (1st runner up); at Bantay Komunidad-Dumandan Association mula sa Central Visayas para sa kanilang sewing at recycling ng cloth remnants at food processing business (2nd runner up). Tumanggap sila ng plaques at cash prizes na P100K, P80K, at P60K, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Bukod sa mga benepisyaryo, ang outstanding regional focal persons ng DILP at TUPAD ay kinilala rin sa awarding ceremony.

Pinarangalan bilang top performing regional offices sa pagpapatupad ng TUPAD ang DOLE Central Luzon, DOLE Bicol Region, DOLE Davao Region, at DOLE SOCCSKSARGEN.

Samantala, ang top performing TUPAD regional focal persons ay sina Angelica Gay dela Cruz ng DOLE Cagayan Valley Region, Jeridee Orate ng DOLE Ilocos Region, at Rodrigo Roble, Jr. ng DOLE Davao Region.