MAYNILA – HINIKAYAT ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga magsasaka, mangingisda, tindero, at iba pang manggagawa na nasa informal sector na kumuha ng tulong pangkabuhayan upang mailipat sila sa pormal na ekonomiya.
Binigyang-diin ito ni DOLE Undersecretary Joel B. Maglunsod kasabay ng paghimok niya sa mga kuwalipikadong manggagawa na kumuha ng ‘Kabuhayan program’ ng DOLE na pangunahing kategorya sa DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), sa ginanap na pagdiriwang ng Araw ng Paggawa para sa mga manggagawa sa Informal Sector.
Ang programang pangkabuhayan ng DOLE ay nagbibigay oportunidad sa mga manggagawa na bumuo ng sariling negosyo sa pamamagitan ng ‘income-generating livelihood activities.’
Dagdag pa ni Atty. Ma. Karina P. Trayvilla, Direktor ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), maaaring mabigyan ng DOLE ng tulong pangkabuhayan ang mga manggagawa sa informal sector sa ilalim ng dalawang kategorya – group at individual project.
Para sa group project, maaaring makakuha ng P250,000.00 na pinansiyal na tulong ang organisasyon na nasa 15 hanggang 25 miyembro.
Ang organisasyon naman na mayroong 26 hanggang 50 miyembro ay maaaring makakuha ng halagang aabot sa PHP500,000.00; habang ang asosasyon na may higit sa 50 miyembro ay maaaring mabigyan ng tulong na aabot sa P1-M.
Hinikayat din ni Assistant Secretary Ma. Gloria A. Tango ang mga lumahok sa Labor Day para sa Informal Sector na tulungan ang kagawaran upang makamit ang tuwirang pag-unlad ng bansa. PAUL ROLDAN
Comments are closed.