MAYNILA – NANINDIGAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pakakasuhan ang mga employer, at hahabulin ang mga recruitment agency na nanloko sa ilang mga Overseas Filipino worker (OFW) habang ang isa ay umano’y ginahasa pa ng isang agency representative sa Jeddah.
Inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na imbestigahan ang ulat na isinumite ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) Jeddah Labor Attache Nasser Munder, maging ang pagkakasangkot rito ng ilang mga recruitment agency.
Sa report kay Bello, sinabi ni Munder na ang apat na household service worker ay sapilitang pinagtatrabaho ng higit sa 10 oras sa iba’t ibang bahay at mamasukan pa ng karagdagang dalawang oras ng duty sa bahay naman ng kanilang employer. Kinilala ang mga OFW na sina Samra Musa Lidasan, Lyn Silongan Sali, Norhen Gayo Sarat, at Noraima Mamadra Bandara.
Ang mga OFW ay mayroong lehitimong Iqama subalit sapilitan silang pinagtatrabaho bilang mga cleaner.
Tumakas ang apat na OFW sa kanilang employer at humingi ng tulong sa Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) sa Jeddah noong Marso 1, 2019.
Iniulat din ni Munder ang ‘di umanoy panggagahasa ng isang agency representative sa isang 22-taong gulang na OFW na kinilala lamang bilang ‘Saida’ noong Disyembre 28, 2018.
Kasalukuyan na ring tumutuloy sa Bahay Kalinga ang biktima habang ipinoproseso na ng Assistance to Nationals Section ng PCG Jeddah ang kanyang kaso.
Ang dalawang kaso ng mga OFW ay pawang kinasasangkutan ng parehong Saudi Recruitment Agency (SRA) na Madar Al Kharj Recruitment Agency, at ng Philippine Recruitment Agency (PRA) Iemploy Manpower Services Inc.
Inirekomenda na rin ni Munder ang suspension at kanselasyon ng mga lisensya ng mga nasabing recruitment agency.
Samantala, inatasan na ni Bello ang POEA na agad na ireport ang mga kaganapan at resulta ng imbestigasyon upang mapatawan ng karampatang parusa ang parehong recruitment agency.
Tiniyak naman ng kalihim na tutulungan ng POLO at POEA ang mga OFW. PAUL ROLDAN
Comments are closed.