DOLE XII NAMAHAGI NG TULONG PANGKABUHAYAN SA MGA MAGULANG NG CHILD LABORERS

BILANG pakikiisa sa layuning wakasan ang child labor sa bansa, namahagi ang Department of Labor and Employment Region 12 Cotabato Field Office ng livelihood starter kits sa mga magulang ng child laborers sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Barangay La Fortuna, M’lang, Cotabato kamakailan.

Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng livelihood kits tulad ng carenderia packages, welding machine, manicure, carpentry, gardening, at carwash packages.

Ang programa ay naglalayong mabigyan ang mga magulang ng pagkukunan ng kita at makatulong na mabawasan ang kanilang pinansiyal na pangangailangan na kadalasang nagtutulak sa mga bata sa pagtatrabaho.

Sa pamamagitan nito, nagsisilbing tulay ang Kagawaran sa pagkamit nila ng financial stability habang tinitiyak na ang mga bata ay magkaroon ng pagkakataong manatili sa paaralan at maranasan ang pagiging batang malaya.

Nanguna sa nasabing inisyatiba sina Labor and Employment Officer II Rica Mea Pepugal, Livelihood Development Specialist George Stephen Lasaga, M’lang Public Employment Service Office (PESO) Manager Mary Ann Cortado, M’lang Vice Mayor Joselito Piñol, at iba pang mga lokal na opisyal.

Ang DILP o Kabuhayan Program ay isa sa mga programa ng DOLE na nagbibigay ng tulong at kapasidad na makapag-negosyo ang mga vulnerable, disadvantaged, at marginalized na mga manggagawa.