DOMESTIC ADMINISTRATIVE ADOPTION ACT GANAP NANG BATAS

Risa Hontiveros

NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Senadora Risa Hontiveros dahil ganap nang batas ang kanyang inakdang Republic Act Number 11642 o ang Domestic Administrative Adoption Act sa Senado.

“This is a win for our children, but most especially, for adoptive parents. Alam natin ang hirap na dinanas ng mga adoptive parents sa ilalim ng lumang proseso ng pag-adopt. Maraming mabubuting loob na Pilipino ang gusto magkupkop ng bata, ngunit nahaharangan dahil sa kupad ng proseso. Sa batas na ito, mas mapapabilis at mapapasimple na ang pagbuo ng mga pamilya,” ani Hontiveros.

Sa bagong batas na ito, tinanggal na ang proseso ng adoption sa korte at inilagay sa National Authority for Child Care na isang administrative body. Ito ay nagpapagaan at nagpapabilis sa proseso ng pag-aampon. Kung dati ay tumatagal ang adoption process ng isa hanggang tatlong taon o higit pa, sa bagong batas na ito, ang adoptive parents ay maghihintay na lang ng anim hanggang siyam na buwan.

Binigyang-diin din ni Hontiveros na sa pagpasa ng RA No. 11642, hindi na kailangan ng adoptive parents na iwasan ang batas at gumawa ng mga impormal na paraan ng pag-aampon, na kung minsan ay nangyayari sa nakakapagod at matagal na proseso ng adoption.

“Sana ngayong pinadali at pinabilis na ang proseso ng adoption, wala nang mga indibidwal ang lumabag ng batas para mag-ampon. Nalalagay lang sa panganib ang mga pamilya nila at napapahamak lang ang kapakanan ng bata. Ang pagpapaikli ng proseso ay bawas gastos din para sa adoptive parents,” dagdag ni Hontiveros.

Idinagdag ng senador na sa pamamagitan ng iba’t ibang stakeholder sa alternative child care ay naisakatuparan ang batas na ito — mula sa mga mambabatas na masigasig sa pagbibigay-proteksyon sa ating mga anak hanggang sa kuwento ng adoptive families na nagsilbing gabay sa bawat detalye ng panukala.

“It does take a village to raise a child. Ang pagtulong-tulong ng iba’t ibang grupo at sektor para maisabatas ito ay patunay niyan. At siyempre, ang pagsabatas din nito ay ating pagkilala na ang pagiging magulang, ang pagiging mama o papa, ay hindi lang nakasalalay sa pagiging magkadugo, kundi sa kalinga at lalim ng pagmamahal na naibibigay sa ating mga anak,” pagtatapos ni Hontiveros. VICKY CERVALES