(ni NENET L. VILLAFANIA)
NAHIHIRAPAN daw magpasuso sa kanilang sanggol ang mga inang nakararanas ng pang-aabuso sa kanilang asawa, ito ang report na nakuha ng PILIPINO Mirror sa ilang inang nakapanayam.
Nagsagawa ng interview ang PILIPINO Mirror sa mahigit 50 ina sa depressed areas sa Metro Manila at napag-alamang may kinalaman ang domestic violence sa breastfeeding.
Ayon sa mga inang nakararanas ng pananakit ng kanilang asawa, natutuyuan sila ng gatas o kaya naman ay hindi ito sapat para sa kanilang sanggol, kaya napipilitan silang bumili ng formula para ipadede sa kanilang anak. Matatandaang iginigiit ng Department of Health (DOH) na mas makabubuti ang gatas ng ina para sa mga bata, lalo na sa unang tatlong buwan, at ang formula ay rekomendado lamang kung may sakit ang ina o kaya naman ay mai-incubate ang bata. Gayunman, kapag hindi kayang suportahan ng gatas ng ina ang sanggol ay maganda ring suporta ito.
Kung tutuusin, dapat ay sapat ang gatas na ilalabas ng ina para sa kanilang sanggol. May ilang kadahilanan nga lamang kung bakit natutuyo ito. Una, kapag hindi sapat ang sustansiyang natatanggap ng katawan, ikalawa, kapag sobra ang stress, at ikatlo – na kailan lamang nalaman ng mga siyentipiko – ay kapag nakakaranas ng pananakit ang ina.
Sa probinsya, pinaniniwalaan ng mga makalumang ina na hindi dapat pasusuhin ang sanggol kapag ang ina ay may sakit o kaya naman ay masama ang loob. Nasususo umano ng sanggol ang stress at sama ng loob, at kung mahina ang resistensiya ng bata ay maaari niya itong ikamatay. Pinabulaanan ng mga doktor noong 80s at 90s na puwedeng masama nga sa gatas ng ina ang anumang negatibong emosyon, ngunit pinatutunayan ng mga matatanda na ilang kaso na rin ng pagkamatay ang kanilang nasaksihan, na naganap matapos sumama ang loob ng ina at nagpasuso sa anak. Isa sa mga biktima ng nasabing insidente ay ang kapatid ng inyong lingkod, na isinilang na malusog, ngunit matapos pasusuhin ng aming ina habang umiiyak matapos silang mag-away ng aming ama ay namatay ito nang walang dahilan. Idineklara ng mga doktor na atake sa puso (sa edad na apat na buwan?). Sabi naman ng mga matatanda ay taul (sepsis ang tawag dito ng mga doktor) – parehong hindi kapani-paniwala dahil napakalusog ng bata at hindi nakitaan ng kahit anong sintomas ng sakit. Ang batang isinilang na may sakit sa puso ay nangingitim kapag umiiyak at ang batang may sepsis naman ay hindi tumatagal ng apat na buwan at lalong hindi tumataba.
Sa pagbabalik sa mga inang nakararanas ng domestic violence, lumalabas sa sarbey ng PM na nakaaapekto ito sa breastfeeding, lalo na sa mga pami-lyang maliit lamang ang kinikita. Napag-alamang ang mga inang nakararanas ng domestic violence, pisikal man o emosyonal, ay hindi agad nilalabasan ng gatas matapos manganak o kaya naman ay maagang natutuyuan ng gatas.
Kasama sa domestic violence ang pisikal o sexual abuse, panggagahasa (ng asawa), o emotional abuse na puwedeng mura o pangmamaliit sa ina. Isa ito sa pinakamalaking health issue sa bansa at sa buong mundo, lalo pa at sa Filipinas, itinuturing na tungkulin ng babaeng pagbigyan ang asawa kung nais nitong makipag-sex.
Hindi na mabilang ang mga babae sa Filipinas na nagiging biktima ng domestic violence kaya nga pinatatag ang tinatawag nating VAWC Law (Vio-lence Against women and children Law). Ang ikatlong bahagi ng bilang ng kababaihan sa bansa ay nagiging biktima ng domestic violence at napakalaki ng posibilidad na nararanasan nila ito habang buntis at pagkatapos manganak, kung saan ang babae ay nakararanas din ng trauma. Ilan sa kanila ay naha-hawahan pa ng kanilang mga asawa ng sexually transmitted infections (kasama na ang HIV) dahil sa sapilitang pakikipagtalik. Nagiging sanhi naman ito ng matinding depresyon na nakaaapekto hindi lamang sa katawan kundi maging sa utak.
Matagal nang inirerekomenda ng mga doktor, DOH at mismong ng World Health Organization (WHO) ang pagpapasuso at sa totoo lang, hindi pinapayagan sa mga public hospital ang mga ina na gumamit ng formula habang nasa ospital sila, dahil napatunayan nang “breastfeeding is best for ba-bies” at sa mga ina rin. Exclusive breastfeeding daw dapat para mas maging malusog ang sanggol (at hindi mag-asal hayop) sa loob man lamang ng anim na buwan, pero paano nga kung natuyuan na ng gatas?
Kapag sinabing exclusive, walang ibibigay na ibang pagkain sa sanggol sa loob ng isang araw kundi gatas ng ina. Walang vitamins, formula – kahit pa tubig. Sa loob naman ng anim na buwan, puwede ang vitamins kung mahina ang sanggol, ngunit kung nagbibitamina na ang ina, puwede na ring hindi.
Ayon sa UNICEF, kung ganito ang pagpapasuso sa sanggol mas lumalaking malusog ang bata, na nadadala niya hanggang sa kanyang paglaki.
Sa mga inang nakararanas ng domestic violence, maipapayo umanong huwag silang magpadala sa depresyon upang magtuloy-tuloy ang daloy ng gatas. Karapatan ng sanggol na matikman ang gatas ng kanyang ina. Anumang hadlang para maipatupad ito ay dapat alisin. (photos mula sa timesofindia, expressandstar, yahoo at theshiftnews)
Comments are closed.