DOMINGO BALIK-PVL, LUMIPAT SA AKARI; BARON SA PLDT

MAKARAAN ang sandaling paglalaro sa  Thailand League sa koponan ng Nakhon Ratchasima VC, magbabalik si Ced Domingo sa Premier Volleyball League (PVL) sa bansa.

Si Domingo, ang dating captain ng Philippines women’s national under-23 volleyball team, ay pumirma na sa Akari Chargers, ayon sa koponan.

Ang kaganapan ay makaraang kunin din ng Akari si veteran outside spiker Grethcel Soltones mula sa Petro Gazz Angels.

Ang pagpirma ni Domingo sa Akari ay naging posible matapos na mag-expire ang kanyang kontrata sa Creamline Cool Smashers.

Isang standout mula sa Far Eastern University, si Domingo ay naglaro sa Creamline mula 2019 hanggang October 2023.  Bago ang  2023 season, tinanggihan niya ang mga alok mula sa ilang koponan upang pumirma ng one-year extension sa Rebisco-backed franchise.

Ginawaran din siya ng second Best Middle Blocker sa 2023 Invitational.

Sa pagkuha kina  Domingo at  Soltones, umaasa ang Akari na makabawi mula sa kanilang podium-less campaign  noong nakaraang season.

Ang best outing ng Chargers sa PVL ay sa 2nd All-Filipino Conference noong nakaraang taon kung saan tumapos sila sa seventh place.

Samantala, patuloy sa pagpapalakas ang PLDT para sa 2024 Premier Volleyball League season na lalarga sa susunod na buwan.

Kinuha ng High-Speed Hitters si Majoy Baron bilang ikalawang karagdagan sa koponan na determinadong makabawi mula sa hindi gaanong impresibong pagtatapos noong nakaraang season.

Sasamahan niya si setter Kim Fajardo sa koponan. Para sa 28-year-old native ng Concepcion, Tarlac, ang paglalaro na wala sa ilalim ng gabay ni Ramil de Jesus at kasama ang mga  teammate sa labas ng La Salle ay isang bagay na hindi siya pamilyar, subalit ito ang nagbibigay sa kanya ng excitement.

“The thought that everything I learned from La Salle and F2 will expand because I’m in a new system makes me really excited,” pahayag ni Baron na may bagong matututunan kay dating PVL champion coach Rald Ricafort.

“Every new coach and every new teammate, I intend to learn from them.”

Si Baron ay isang three-time UAAP champion at dating MVP.

Nagwagi rin siya ng MVP honors sa now-defunct Philippine Superliga.

Kinatawan din ni Baron ang national team sa maraming pagkakataon.

Ngayon ay sisimulan niya ang bagong kabanata sa kanyang career sa PLDT.

“I’m coming into the PLDT team as a student of the sport. Hopefully, I excel in this challenge as well,” aniya.