BINATIKOS ni Senadora Imee Marcos si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III makaraang sabihin ng huli na hindi kailanman nakapag-export o nakapag-supply ng bigas ang Filipinas noong 70s sa mga karatig bansa nito sa Asya.
Ayon kay Marcos, naging self-sufficient ang Filipinas sa rice production at patunay ang pag-e-export na umaabot sa 89,000 metriko toneladang bigas noong 1977 hanggang 1978 sa ilalim ng programang Masagana 99.
“Wawa naman si Lolo Sonny, nag-uulyanin na yata? Ang linaw ng data, kaya nga nagtataka ako bakit ayaw tanggapin ni Sonny ang katotohanang nakapag-export tayo ng bigas dahil na rin sa Masagana 99 at ‘yan ay dahil sa sipag na rin ng mga magsasaka natin!” paliwanag ni Marcos.
Sinabi pa niya na ang paninising ginagawa ni Dominguez sa mga magsasaka nang ipatupad ang Masagana 99 program ay nakababahala lalo na ngayong nalalalapit ang panahon ng pagtatanim sa mga bukirin.
“Ano bang tulong sa next planting season ang magagawa ni Sonny sa mga magsasaka? Ang mahirap kasi, puro paninisi ang ginagawa niya sa mga magsasaka na hindi nakababayad ng kanilang mga utang. May COVID-19 na nga, ganito pa ang maririnig mo kay Sonny,” galit na pahayag ni Marcos.
“Sana mahiya naman siya. Hindi ko alam kung may amnesia o nagsisinungaling si Sonny,” anang senadora.
Nanawagan din si Marcos kay Dominguez na maging parehas at alisin na ang galit nito, at kilalanin ang mga naging ambag ng Masagana 99, lalo na ang mga magsasakang nagsumikap para umunlad ang kanilang buhay.
Sinabi rin ng senadora na si Dominguez ay naging kalihim ng Department of Agriculture (DA) noong panahon ni Pangulong Corozon Aquino at maituturinmg na tunay na ‘dilawan’ na nakapasok sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Comments are closed.