MAGSISILBING main event ng Showtime triple header ang all-Filipino bantamweight title tiff sa pagitan nina Nonito Donaire Jr. at Reymart Gaballo sa Disyembre 11.
Sa report ng Boxingscene, ipalalabas ng Showtime ang Donaire-Gaballo bout mula sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California,.
Si Gaballo ay naging mandatory challenger para kay Donaire makaraang mapanalunan ang WBC interim bantamweight crown nang talunin si Emmanuel Rodriguez via split decision noong nakaraang Disyembre 19.
Samantala, muling naging mainit ang 38-anyos na si Donaire makaraang pabagsakin ang dating walang talong si French southpaw Nordine Oubaali upang kunin ang WBC title.
Bago ang kautusang sagupain si Gaballo, unang nakatakdang harapin ni Donaire si fellow Filipino champion, WBO king John Riel Casimero.
Nais din ni Donaire na makalaban si WBA at IBF bantamweight champion Naoya Inoue sa isang rematch para pag-isahin ang 118-pound titles.