(Donasyon ng BBM-Sara UniTeam) MGA GENSET AT SATELLITE DISH  NAGAGAMIT NA NG MGA BIKTIMA NI ‘ODETTE’

BINIGYANG liwanag at pag-asa nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at vice presidential aspirant Inday Sara Duterte ang mga lugar na nawalan ng koryente dahil sa bagyong Odette sa pamamagitan ng mga donasyong generator set at satellite dish.

Dahil dito, walang mapagsidlan ng pasasalamat ang ipinahahatid ng mga lokal na opisyal sa Visayas at Mindanao sa BBM-Sara UniTeam sa patuloy na tulong na ibinibigay ng tambalan matapos silang salantain ng bagyong Odette noong Disyembre 16 ng nakalipas na taon.

Sa kanyang FB Page, sinabi ni Bohol Rep. Aris Aumentado (2nd District), malaking tulong ang generator set at sa­tellite dish na binigay ng UniTeam sa bayan ng Talibon para gumana ang internet at wi-fi sa kanilang lungsod.

“Kana gihatag na satel­lite dish para sa Talibon ni BBM-Sara, para mo-function ang internet ug wifi sa LGU-Talibon ug dakong tabang na para makacommunicate ang lungsod sa National Go­vernment,” sabi ni Aumentado.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Mayor Baba Yap sa kanyang FB post sa hatid na tulong ng BBM-Sara UniTeam, lalo na nang madagdagan ang kanilang generator mga set.

“Salamat BBM sa tabang sa mga biktima sa bagyong Odette, na dugangan napod ang generator sa atong mga pumping units. #StandTogetherTagbilaran,” sabi ni Mayor Yap.

Sa Facebook page naman ni Liloan, Cebu Rep. Duke Frasco (5th District), labis din ang pasasalamat nito sa tambalang Marcos-Duterte dahil napakalaking bagay aniya ang ibinigay sa kanilang satellite dish at dalawang generator sets kaya naging maliwanag ang madilim’ nilang Kapaskuhan.

“Daghang salamat, UniTeam BBM-Sara for the satellite broadband and two generator sets. The satellite broadband was turned over to Lilian Mayor Christina Garcia Frasco and once operational it will provide internet access vital to Liloan’s government offices,” ani Cong. Frasco sa FB Post noong Dis­yembre 28.

“The generators will power up the two police stations (Liloan and Compostela police), provide light and electricity to our police office, and turn on the fans in the jail cell and give a bit of relief and comfort to the inmates already confined to their very small, hot, and congested spaces,” sabi pa ng mambabatas.

Isang netizen na nagngangalang Yati Mo ang nagkomento sa  FB page ng kongresista at sinabing: “Thank you for thinking (about)  the forgotten inmates.”

Inihayag naman ni Liloan Mayor Christina Garcia Frasco na ang libreng wi-fi sa kanilang munisipyo ay hatid ng BBM-Sara UniTeam.

“You can now access FREE WIFI at the LILOAN MUNICIPAL HALL PLAZA! This FREE WIFI is made possible through the satellite dish and satellite broadband subscription donated by UniTeam BBM-Sara. Since December 22, we have also been providing FREE CHARGING at the Municipal Plaza,” dagdag pa ni mayora.

Samantala, isang set ng satellite dish at 8kw na gasoline generator set din ang tinanggap naman ni Bohol Gov. Arthur Yap mula sa BBM-Sara Team na kaagad ding ipinadala sa Talibon Municipal Hospital.

Isang 5kw (6Kva) diesel generator set ang ipinahatid din sa Liloan, Southern Leyte; isang satellite dish at dalawang 8kw gasoline generator set ang ibinigay kay Cong. Bingo Matugas ng Surigao del Norte, habang may hiwalay ding 5kw (6Kva) diesel gene­rator set ang tinanggap naman ni Surigao del Norte Gov. Francisco  Matugas na kagyat ipinadala sa Siargao.

Sinabi ni Marcos na hindi sila ni Inday ang dapat pasalamatan ng mga kababayan sa Visayas at Mindanao kundi ang  volunteers at donors na tumugon sa panawagang maghatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette.

Isang araw matapos manalanta ang bagyo, kaagad tinungo ng UniTeam ang mga apektadong lugar upang personal na iaabot sa mga local officials ang ilang milyon pisong cash bilang paunang ayuda, gayundin ang tone-tone­ladang bigas at relief goods.

Dala rin nila ang libo-libong galon ng tubig at water filtration kits .

Hanggang ngayon ay patuloy ang pamimigay ng tambalan ng mga construction materials para muling mabuo ang mga kabahayan na winasak ng bagyo.

Ani Marcos, kahanga-hanga ang ugaling Pinoy sa pagiging positibo at hindi nawawalan ng pag-asa sa tuwing may dumarating na pagsubok sa buhay.

“Kahit po mataas ang bilang ng Covid cases dito sa gawing Luzon, tayo naman po ay hindi pa rin nagpapabaya para tulungan ang mga biktima ng bagyo. Basta huwag po kayong bibitiw at huwag kayong mawawalan ng pag-asa dahil naniniwala ako sa pamamagitan ng pagkakaisa at bayanihan ay sama-sama tayong babangon muli,” diin ni Marcos.