IPINAGKALOOB na ni Senador Manny Pacquiao sa Department of Health (DOH) ang may 57,000 COVID 19 testing kits na nagkakahalaga ng P400 milyon.
Ani Pacquiao, ang nasabing testing kits ay ibinigay ng kanyang kaibigang si Jack Ma, founder ng Alibaba para sa pamahalaan upang malabanan ang COVID-19.
Pormal na itinurn over ang testing kits ng mga assistant ng senador na sina Jake Joson, Manny Pacquiao Foundation head Choi Garcia, business manager Arnold Vegafria at legal counsel Atty. Brando Viernesto sa mga opisyal ng DOH sa Sta Cruz, Manila sa pangunguna ni San Lazaro Hospital infectious disease head Dr. Rongene Solante at mga representative mula sa Philippine General Hospital (PGH).
Sinabi naman ng senador, ang pagdami ng kapasidad ng gobyerno para magawa ang COVID-19 test ang tiyak na mabilisang formula para mapigilan ang pagkalat pa ng virus na nagdudulot ng matinding takot sa buong mundo.
Bukod sa testing kits, ibinigay rin ni Ma kay Pacquiao ang may 500,000 face mask na itu-turn over kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa distribusyon nito na kung saan bukod pa ito sa 700,000 face mask na ipinamigay niya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa tulong ng mga kaibigan niya na nasa business community.
Nauna na ring nagbigay ng limang bus ang senador sa MMDA na ginagamit nila ngayon bilang libreng shuttle bus sa mga frontliner.
VICKY CERVALES
Comments are closed.