DONASYON PANLABAN SA COVID-19 TINANGGAP NG PQUE

Edwin Olivarez

TINANGGAP ng lokal na pamahalaan ng Pa­rañaque ang mga donasyong rapid test kits, face masks at personal protection equipment (PPE) ng Philippines Hubei Chamber of Commerce, Inc. (PCCI) na malaking tulong upang labanan at mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ang nasabing donasyon ay personal na ipinagkaloob ni PCCI President Rupet Wang kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez para sa mga frontliner ng nasabing lungsod.

Malugod na nagpasalamat si Olivarez sa donasyon na ipinagkaloob ng PCCI sa lungsod at nagsabing: “Ang mga donasyon na aking personal na  tinanggap ay isang malaking tulong para sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang talunin ang pandemya na dulot ng CO­VID-19,” ani Olivarez.

Kaugnay nito, iniulat ng City Health Office (CHO) na nakapagtala sila ng kabuuang 4, 059 kumpirmadong kaso ng COVID-19, kung saan 3,193 dito ay nakareco­ver na habang 112 naman ang sumakabilang buhay sanhi ng pagkakahawa sa naturang virus.

Gayundin, mayroong  apat barangay na nakapagtala naman ng may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 ay ang Barangay San Antonio na may 108 na sinundan ng Barangay Moonwalk na may 88, pumangatlo ang Barangay San Antonio na may 80 habang ang Barangay BF Homes naman ang pumang-apat na may 74 na indibidwal na tinamaan ng nakamamatay na virus.

Dahil dito, patuloy na umaapela si Olivarez sa mga residente na makiisa sa layunin ng lokal na pamahalaan at tumulong sa pagpigil at pakikipaglaban sa pagkalat ng CO­VID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa mahigpit na pagpapatupad ng health at safety protocols sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.