DONASYON SA MARIKINA IDIRETSO SA EVAC CENTERS

Marcy Teodoro

HINILING ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa mga nais magbigay ng donasyon sa mga residente nito na nasa evacuation center na idiretso na lamang ito sa 49 evacuation centers dahil sa lubog pa din sa putik baha ang mga bahay at kabuhayan dala ng bagyong Ulysses.

Aniya, nangangailangan ang mga ito ng pagkain, malinis na tubig, gamot, vitamins, diaper at gamit ng mga bata.

Ayon pa sa alkalde, maaaring idirekta na ng mga donors ang pamamahagi ng mga donasyon dahil mayroon naman sistema ng distribusyon sa mga evacuation center at mahigpit din ang pagpapatupad ng health protocols.

Sinabi pa nito, nakatuon sila ngayon kung paano maka-survive ang kanyang nasasakupan at aminado ito na 2nd priority lang nila ang health protocols laban sa COVID-19.

Nanawagan din ito sa mga pribadong sektor at organisasyon na magpadala ng mga equipment tulad ng payloaders at skid loaders para tumulong tanggalin ang makapal na putik at kalat sa gitna ng kalsada dulot ng bagyo.

Isa ang lungsod ng Marikina sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong  Ulysses na nasa 30,000 hanggang 40,000 pamilya ang apektado nito. ELMA MORALES

Comments are closed.