NAKIPAGKASUNDO si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty.Vigor D. Mendoza II sa Philippine Society of Medicine for Drivers (PSMED) para sa donasyon nitong apat na milyong plastic cards na gagamitin sa pag-imprenta ng driver’s license.
Nilagdaan nina Mendoza at PSMED President Dr. Albert Alegre noong Lunes, Disyembre 18, ang Deed of Donation na magbibigay-daan para sa paghahatid ng 300,000 plastic cards sa loob ng 21 araw pagkatapos ilabas ng LTO sa unang linggo ng Enero 2024 sa supplier ng donor ang disenyo ng driver’s license ng LTO.
Nakasaad sa naturang kasunduan na 300,000 piraso ang ihahatid tuwing 15 araw pagkatapos makumpleto ang unang paghahatid at 100,000 piraso para sa huling paghahatid hanggang sa makumpleto ang apat na milyong piraso ng plastic cards.
Dumaan din sa konsultasyon ng Department of Transportation at sumailalim sa mahigpit na proseso ng pagsusuri ng tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista ang nasabing donasyon.
Sinabi ni Mendoza na ang mga bagong aplikasyon at renewal ng driver’s license ay ibibigay na ngayon gamit ang mga plastic card, kabilang ang overseas Filipino workers.
Sa pagbanggit sa Deed of Donation, ipinaliwanag ni Mendoza na ang apat na milyong plastic cards na ido-donate ng PSMED ay pasok sa parameters at technical specifications ng kasalukuyang LTO driver’s license cards.
Idinagdag niya na kung mayroong mga card mula sa apat na milyong donasyon na tinanggihan ng sistema ng seguridad, ang lahat ng ito ay ituturing na hindi naihatid at papalitan nang walang bayad sa DOTr at LTO.
Ang PSMED, ayon kay Dr. Alegre, ay sasagutin ang lahat ng buwis at iba pang gastusin kaugnay ng donasyon ng apat na milyong plastic cards.
Nauna nang sinabi ni Mendoza na sapat na ang apat na milyong plastic cards na donasyon ng PSMED para matugunan ang backlog at araw-araw na paggamit ng plastic-printed driver’s license sa pamamagitan ng aplikasyon at renewal.
Bukod sa mga plastic card, sinabi ni Dr. Alegre na magdo-donate din sila ng apat na set ng digital microscopes, UV lens at decoding lens bilang bahagi ng hakbang para matiyak ang seguridad ng paggawa ng driver’s license.
PAULA ANTOLIN