DONASYONG MODERN ULTRASOUND MACHINES TINANGGAP NG MAYNILA

Ultrasound

PORMAL na tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga modernong hospital equipment na nagkakahalaga ng P3 milyon na magbibigay benipisyo sa mga buntis na hindi di kayang tustusan ang napakamahal na pre-natal check up.

Ang mga nasabing kagamitan ay binubuo ng modernong ultrasound at fetal monitor machines na tinanggap nina Ma­yor Isko Moreno, Vice Ma­yor Honey Lacuna, Secretary to the Mayor Bernie Ang at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla mula sa  Rotary Foundation na pinangungunahan ng Rotary Club of Makati San Lorenzo at Rotary Club Pohang Eunhasu sa ginanap na turnover ce­remony sa City Hall.

Ani Ang, makakatulong ng malaki ito upang masigurong ligtas at malusog na isisilang na sanggol, kung saan ang galaw nito sa sinapupunan ay mamo-monitor gamit ang mahal at high tech na makina.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Moreno ang mga donor sa pagkakapili sa lungsod para tumanggap ng kanilang donasyon at tiniyak na ang mga makabagong gamit pang-ospital ay gagamitin sa mga buntis na kapuspalad.

Ayon kay Padilla, libo-libong mahihirap na buntis mula sa ika-6 na distrito ang makikinabang sa mga  bagong kagamitan dahil magi­ging bahagi ito ng libreng serbisyo ng Sta Ana Hospital na kung saan may  8,000 sanggol ang isinisilang ng libre taon-taon.

Samantala, sinabi ng alkalde na ang buong Mobile Serology Testing Clinic ay patuloy na iikot sa lungsod para sa free testing bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng  CO­VID-19 at agad na magamot ang mga nahahawa ng virus.

Ang  mobile clinic ay kadalasang nagpupunta sa mga lugar kung saan naiulat na mataas ang kaso ng COVID-19. VERLIN RUIZ

Comments are closed.