DONATION DRIVE PARA SA APEKTADO NG TAAL

NAG-ORGANISA ng isang donation drive ang remittance office ng BDO Unibank sa Barcelona, Spain para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal. Ito ay sa pamamagitan ng mga drop-off box para sa mga Filipinong nais magbigay ng mga kagamitan.

Ang mga donation box ay ipadadala sa BDO Foundation sa Filipinas para ihandog sa mga apektadong lugar. Ang mga Pinoy na naninirahan sa Barcelona ay karaniwang taga-Batangas at Cavite, mga lugar na patuloy na humaharap sa pag-aalburoto ng bulkan.

Bumisita rin sa mga Filipino communities sa Barcelona gaya ng Filipino Asian stores, restawran, medical providers, klinika, freight forwarders, travel agencies, at grocery stores ang mga kawani ng BDO Remit Spain para isulong ang donation campaign.

Ang St. Agustin Parish sa Barcelona ay tumutulong na ring ipakalat ang balita ng kawanggawa. Ipinaskil nito ang mga anunsiyo sa paligid ng simbahan at regular na binabanggit sa misa ang tungkol sa mga drop-off donation box.

“Napuno na namin ang unang kahon ng donasyon at ngayon ay nasa panga­lawa na kami. Mas marami nang nagdo-donate ngayon dahil sa ginawa naming information drive,” ani Gerard Ian M. Belarmino, marketing officer ng BDO Remit Spain. “Positibo ang naging tugon ng mga Kabayan sa ating ginagawa, lalo na sa waived fees para sa mga gustong mag-donate nang hindi nagpapakilala. Nagpapasalamat din ang mga Filipino community leaders sa atin para sa coin donations na ire-remit naman sa Filipinas.”

Ang mga bangko sa Spain ay sumisi­ngil ng komisyon para sa coin transactions. Sa pamamagitan ng pag-remit nito sa BDO sa halip, bawat sentimong Euro ay maipadadala sa mga biktima ng pagsabog ng Taal.

Ang coin donations na ito ay umabot na sa 700 Euros sa ngayon.

Noong Enero 14, pansamantalang inalis ng BDO ang remittance fees sa cash donations na ipinadadala sa iba’t ibang tanggapan ng BDO Remit sa abroad para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. Ang kampanyang ito ay hanggang Marso 31, 2020.

Ang BDO ay may ma­lawak na network sa buong mundo, kabilang na ang overseas remittance offices at partners sa Asya, Europa, Hilagang Amerika, at Middle East.

Maliban sa iba’t ibang tanggapan ng BDO Remit, tumatanggap din ang BDO ng cash donation sa mga remit partners nitong Remitly, Small World, WorldRemit, Azimo, UAE Exchange Centre, at Xpress Money. Ang karaniwang remittance charges ay ipinatutupad.

Ang cash donations na ipinadala sa pamamagitan ng BDO Remit ay ipaaabot sa iba’t ibang foundation gaya ng BDO Foundation, ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc., GMA Kapuso Foundation, Inc., at Philippine Red Cross. Ang mga ito naman ang mamamahala sa pagbili at pamamahagi ng relief goods sa mga evacuation center na pansamantalang tahanan ng mga biktima ng Taal.

Comments are closed.