DONCIC, SLOVENIA ‘OUT’ SA PARIS OLYMPICS

MAKARAANG kapusin sa NBA Finals, wala ring Luka Doncic sa Olympics matapos masibak ang Slovenia sa 96-68 pagkatalo noong Sabado sa Greece, na pinangunahan ni Giannis Antetokounmpo.

Umiskor si Doncic ng 21 points, subalit natalo ang Slovenia sa semifinals ng Paris Olympics qualifying tournament sa Piraeus, Greece.

Tumipa si Antetokounmpo ng 13 points sa loob ng 21 minuto, habang gumawa si Thomas Walkup ng 19 points para sa Greece na umusad sa tournament finals laban sa magwawagi sa pagitan ng Dominican Republic at  Croatia. Ang mananalo sa finals ay aabante sa Paris.

Ang iba pang men’s basketball qualifying tournaments ay isinasagawa rin sa Puerto Rico, Spain at Latvia.

Tinulungan ni Doncic, na tinamaan ng multiple injuries sa NBA playoffs, ang Mavericks sa isang panalo sa NBA Finals bago sila dinomina ng Boston Celtics.

Kinontrol ng Greece ang kaagahan ng laro noong Sabado, kinuha ang 13-0 kalamangan at hindi na lumingon pa makaraang umabante ng hanggang 23 sa opening half.

Lumamang ang Greece ng 16 points sa simula ng fourth quarter, dahilan upang magdahan-dahan kay Antetokounmpo bago ang tournament final.