DONNIE GEISLER PINATALSIK SA PTA

Donnie Geisler

PINATALSIK ng Philippine Taekwondo Association (PTA) si dating Olympian Donnie Geisler sa organisasyon sa gitna ng nagpapatuloy na legal battle sa pagitan nila.

“This is to inform you… that Mr. Donald David Geisler III [is] expelled from the Philippine Taekwondo Association and that all rights and privileges granted to him as a PTA member be deemed forfeited and terminated,” wika ni Manolo Gabriel, ang sanction committee chairman ng PTA, sa isang notice na ipinagkaloob kay Geisler, na ang kopya ay naka-post sa Facebook page ng organisasyon.

Ang desisyon ay inaprubahan ni PTA president Robert Aventajado.

Idineklara rin ng PTA si Geisler, na sumabak sa 2000 at 2004 Olympiads, bilang persona non grata.

Ang alitan sa pagitan ni Geisler at ng PTA ay nag-ugat sa serye ng webinars na isinagawa ni Geisler sa gitna ng COVID-19 pandemic, kung saan nagsasagawa siya ng online taekwondo training.

Nagsimula ang problema nang imbitahan ni Geisler sina  Samuel Morrison at  Arven Alcantara na sumali sa kanyang online training noong June 6.

Sina Morrison at Alcantara ay pinagalitan ng PTA sa paglahok sa webinar series ni Geisler, na ayon sa organisasyon ay walang pahintulot. (PNA)

Comments are closed.