AT least, hindi nawawala, nandyan lang, kungdi man numero uno, malapit sa second o third spot si presidential aspirant Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga survey.
Hindi na masama, magandang puwesto na ito, sabi nga ni Yorme Isko, para sa isang tulad niyang pipitsuging kandidato.
Sabi nga ni Yorme, “Thank you in advance. Basta, ako, dere-deretso lang, focus lang kami na umikot nang umikot sa tao, alamin ang gusto nila, makatulong sa problema nila at mapagaan ang dalahin nila.”
Pakiramdam nga ni Yorme Isko, maganda na ang nakuhang second o third place sa mga survey na nangunguna ang iba pang presidential aspirants.
Lagi naman kasing ganun siya sa umpisa ng labanan: laging dehado, laging parang talunan, pero sa huli, nangingibabaw, at sa huli, panalo.
Ganyan ang rekord niya sa Maynila: Walang milyong pera na panggastos, pero sa suporta ng tao, nanalo siya sa dalawang higanteng politiko sa nakaraang eleksiyon sa Maynila noong 2019.
Ganyan din ang pakiramdam namin – na mangyayari sa Mayo 2022.
o0o
Depende sa sasagot, mapaniniwalaan ba ang survey?
Marami rin sa sektor na angat sa buhay, mga edukado at propesyonal na kabilang sa ABC sector ay undecided pa rin, o wala pang napupusuang iboto.
Dito umaasa si Yorme Isko na bukal ng mga botong magbibigay sa kanya ng panalo, lalo na at sa mga kandidato, siya ang may pinakamagandang rekord at akomplisment.
o0o
Mistulang comedian na ang dating ni VP Leni na katawa-tawa lagi ang mga sinasabi sa media at interbyu.
Lutang daw lagi – na parang nakasinghot daw ng kung anong substance dahil hindi maintindihan, magulo at paulit-ulit ang pinagsasabi.
Mapurol ang utak sa matematika, maging sa history, nagdududa tuloy ang marami kung paano siya naging abogada at ekonomista.
Tuwing nasa “baba” o laylayan ng bayan, ano ang dala, kamera, media at tulong na ano pa nga ba kungdi pakitang tao.
Sa Odette, kamera at media at photo ops ang inasikaso at nagkagulo pa sa mga relief at rescue operations, at kinailangan pang mag-fundraising ng ilang araw bago nagpadala ng tulong sa mga pinerwisyo ng bagyo.
At hanggang ngayon, nakadikit sa balat ni Nanay Leni ang markang dinaya raw niya – sa tulong ng Smartmatic – si BBM.
Peke, huwad at mandaraya ang isyu sa Nanay raw ng bayan.
At ang pagpapalit ng kulay e, yellow na yellow pa rin ang galaw nito kahit na naging kulay pink ang ipinakakaing lugaw.
o0o
Sa nakaraang eleksiyon noong 1992 maliban ang 1998 election na nanguna si Erap Estrada, lahat ng idineklarang “sure winner” ng political surveys ay nangamote sa mismong araw ng eleksiyon.
1992, dominante si Sen. Miriam Santiago pero tinalo ni Fidel Ramos; 2004, walang maniniwala na matatalo pa si Da King Fernando Poe Jr. pero nasulot ng ‘Hello Garci’ ni Aling Gloria.
Sino ang mag-aakala nga noon na matatalo pa si Sen. Manny Villar na idineklarang sure winner na ng mga surveys pero pinatumba ng Cory magic na nagpanalo kay Noynoy.
o0o
Sa opinyon ko, si Yorme Isko ang mas credible na kandidato kasi, malinaw na malinaw ang kanyang programa de gobyerno.
At may patunay na ito sa ginawa at ginagawa niya sa Maynila.
Di man top choice sa survey, buo ang tiwala ko, sa tunay na survey sa Mayo 2022, si Yorme Isko ang magwawagi.
Sa tunay tayo, hindi sa peke, hindi sa lutang at huwad.
Sa totoo tayo na may tunay na malasakit.
Ikaw NaISKO sa 2022!
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].