‘DOPPELGANGER’ NI ALICE GUO HUMARAP NA SA NBI

HUMARAP na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y droppelganger ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor  Alice Guo.

Nabatid na duma­ting sa tanggapan ng NBI kamakalawa ng hapon si Catherine Salazar para harapin ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kaniya para lituhin umano ang mga awtoridad.

Sa pagharap ni Salazar sa NBI, nakasuot ito ng light green shirt, jeans, nakasuot ng face mask, nakasalamin at nakalugay ang mahaba nitong buhok na tulad ng kay Alice Guo bago ito magtago sa mga awtoridad.

Matatandaan na una nang nakausap ni NBI assistant director for investigation service Lito Magno si Guo matapos maaresto ito sa Indonesia.

Dito, ipinakita ng NBI official kay Guo ang isang larawan sa kaniyang cellphone at tinanong kung siya ang babaeng nasa larawan, subalit itinanggi ito ng ex-mayor at sinabing ito ay kaniyang staff.

Nauna na ring sinabi ng NBI na posibleng ginamit umano ni Guo kanyang aid na si Salazar  bilang decoy o pagmukhain siyang si Alice Guo para lituhin ang mga awtoridad sa kanilang paghahanap noong panahong nagtatago ang nasabing ex mayor noong nakalipas na buwan ng Hulyo.

EVELYN GARCIA